Ang Aklat ni Jacobo
Bibles International 3120 Leonard Street, N.E. Grand Rapids, Michigan USA 49505-5895 Copyright 1990 by Bibles International The Bible Society of Baptist Mid-Missions Cleveland, Ohio 44130 Paragraph and section headings are translated from the New International Version Study Bible, copyrighted 1978, with the courteous permission of the Zondervan Corporation This electronic text version may be freely copied or printed and distributed as long as this copyright information is included Under no circumstances may the text be redistributed for sale or if modified in any manner Bibles International desires reader's comments at the above mentioned address, as well as electronic mail to: Bruce McJones bmcj@grfn.org ---------------------------------------------------------------------- JACOBO 1 Ako ay si Jacobo. Ako ay isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesukristo. Binabati ko ang labindalawang lipi ng Israel na nakakalat sa iba't ibang bansa. Mga Pagsubok at Tukso 2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba't ibang pagsubok. 3 Alam ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nakagagawa ng pagtitiis. 4 Hayaan ninyong tapusin ng pagtitiis ang kaniyang ganap na gawa upang kayo ay maging ganap at buo. Sa gayon, kayo ay walang anumang kakulangan. 5 Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ang Diyos ay nagbibigay nang masagana sa lahat ng tao at hindi nanunumbat. 6 Ngunit kapag siya ay humingi, hayaan siyang humingi na may pananampala-taya at walang pag-aalinlangan. Ang taong nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon sa dagat na tinatangay at ipinapadpad ng hangin. 7 Ang taong nag-aalinlangan ay hindi dapat mag-isip na siya ay tatanggap ng anuman mula sa Panginoon. 8 Ang taong nagdadalawang-isip ay hindi matatag sa lahat ng kaniyang mga lakad. 9 Hayaang magalak ang kapatid na may mababang kalagayan sa kaniyang pagkakataas. 10 Magalak din naman ang mayaman sa kaniyang pagkakababa dahil tulad ng bulaklak ng damo siya ay lilipas. 11 Ang araw ay sumisikat na may matinding init at ang damo ay nalalanta. Ang bulaklak ng damo ay nalalagas at ang kaakit-akit na anyo nito ay nasisira. Gayon din naman ang mayaman, siya ay lumilipas sa kaniyang mga lakad. 12 Pinagpala ang taong nagtitiis ng pagsubok dahil kapag siya ay nasubok na, tatanggap siya ng putong ng buhay. Ito ang ipinangako ng Panginoon sa kanila na umiibig sa kaniya. 13 Huwag sabihin ng sinumang tinutukso, na siya ay tinutukso ng Diyos. Ang Diyos ay hindi maaaring matukso ng mga kasamaan ni hindi niya tinutukso ang sinuman. 14 Ang bawat tao ay natutukso kapag siya ay nahihila ng kaniyang sariling pita at nasisilo. 15 Kapag ang pita ay naglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan. Kung ang kasalanan ay malaki na, ito ay nagbubunga ng kamatayan. 16 Minamahal kong mga kapatid, huwag kayong magsilihis. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas at nagbubuhat sa Ama ng mga liwanag. Siya ang Ama na walang pagbabago ni anino man ng paggalaw. 18 Sa kaniyang sariling kalooban ay iniluwal niya tayo sa pamamagitan ng salita ng katotohanan. Ito ay upang tayo ay maging isang uri ng mga unang-bunga ng kaniyang mga nilikha. Pakikinig at Pagsasagawa 19 Kaya nga minamahal kong mga kapatid, ang bawat tao ay dapat maging maagap sa pakikinig. Siya ay dapat maging mahinahon sa pagsasalita at hindi madaling mapoot. 20 Ang poot ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya nga iwaksi ninyo ang lahat ng karumihan at labis na kasamaan. Tanggapin ninyong may kababaang loob ang salitang isinug-pong sa inyo na makapagliligtas sa inyong mga kaluluwa. 22 Gawin ninyo ang salita. Huwag kayong maging tagapakinig lang ng salita na ang inyong mga sarili ang dinadaya ninyo. 23 Ang sinumang tagapakinig ng salita ngunit hindi taga-pagsagawa nito ay natutulad sa isang taong minamasdan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24 Pagkatapos niyang masdan ang kaniyang sarili, siya ay lumisan at nalimot niya kaagad kung ano ang kaniyang anyo. 25 Ngunit ang sinumang tumitingin sa ganap na kautusan ng kalayaan at nananatili rito ay hindi nakalilimot na tagapakinig sa halip siya ay taga-pagsagawa ng gawain. Ang taong ito ay pagpapalain sa kaniyang ginagawa. 26 Kung ang sinuman sa inyo ay tila makadiyos na hindi pinipigil ang kaniyang dila ngunit dinadaya ang kaniyang puso, ang kaniyang pagkamakadiyos ay walang kabuluhan. 27 Ang dalisay at malinis na pagkamakadiyos sa harapan ng Diyos at ng Ama ay ito: Dalawin ang mga ulila at ang mga babaing balo sa kanilang kapighatian. Ingatan ang kaniyang sarili na hindi mabahiran ng sanlibutan. Huwag Magkaroon ng Pagtatangi 2 Mga kapatid ko, ang pananampalatayang nasa inyo ay sa Panginoong Jesukristo na Panginoon ng kaluwalhatian. Huwag magkaroon ng pagtatangi ng mga tao ang pananampa-latayang ito. 2 Maaaring may pumasok sa inyong bahay-sambahan na isang taong may gintong singsing at marangyang kasuotan. Maaaring may pumasok din na isang taong dukha na napakarumi ng damit. 3 Maaaring higit ninyong binigyan ng pansin ang may marangyang kasuotan at sinabi sa kaniya: Maupo po kayo rito sa magandang dako. Sa taong dukha ay sinabi: Tumayo ka na lang dito o di kaya ay maupo ka sa patungan ng aking paa. 4 Hindi ba kayo rin ay may mga pagtatangi-tangi sa inyong mga sarili? Kayo ay naging mga manghahatol na may masasamang isipan. 5 Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito na mayayaman sa pananampalataya? Pinili silang tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya. 6 Hinamak ninyo ang taong dukha. Ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa harap ng mga hukuman, hindi ba? 7 Sila ang lumalait sa mabuting pangalan na itinatawag sa inyo, hindi ba? 8 Kung tinutupad ninyo ang maharlikang kautusan ayon sa kasulatan, mabuti ang inyong ginagawa. Ang maharlikang kautusan ay: Ibigin mo ang iyong kapuwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 9 Kaya kung kayo ay nagtatangi ng tao, kayo ay nagkakasala. Ipinapahayag ng kautusan na kayo ay lumalabag. 10 Ang sinumang tumutupad sa buong kautusan ngunit natiti-sod sa isang bahagi ay nagkakasala sa buong kautusan. 11 Sinabi ng Diyos: Huwag kang makiapid. Sinabi rin niyang huwag kang papatay. Kung hindi ka man nakiapid ngunit ikaw naman ay pumatay, ikaw ay lumabag sa kautusan. 12 Kayat magsalita ka at gumawang tulad ng mga malapit nang hatulan ng kautusan ng kalayaan. 13 Walang kahabagang hahatulan ng Diyos ang sinumang nagkait ng kahabagan. Ang kahabagan ay nagtatagumpay sa kahatulan. 14 Mga kapatid ko, kung sabihin ng isang tao na siya ay may pananampalataya subalit wala siyang mga gawa, ano ang pakinabang noon? Maililigtas ba siya ng pananampalataya? 15 Maaaring ang isang kapatid na lalaki o babae ay walang damit o hikahos sa pang-araw-araw na pagkain. 16 Ang isa sa inyo ay nagsabi sa kanila: Humayo kayo nang payapa. Magpainit kayo at magpakabusog. Kung hindi naman ibinigay sa kanila ang mga kailangan ng katawan, ano ang pakinabang noon? 17 Ganiyan din ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ito ay patay sa kaniyang sarili. 18 Maaaring may magsabi: Ikaw ay may pananampalataya, ako ay may mga gawa. Ipakita mo ang iyong pananampalata-yang walang mga gawa. Ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Nananampalataya kang iisa ang Dios. Mabuti ang iyong ginagawa. Maging ang mga demonyo ay nananampalataya at nanginginig. 20 Ikaw na taong walang kabuluhan, alamin mo ito: Ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay. 21 Ang ating amang si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, hindi ba? Ito ay nang ihandog niya sa dambana ang kaniyang anak na si Isaac. 22 Iyong nakita kung papaanong ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa. 23 Ang sinabi ng kasulatan ay naganap: Sinampalatayanan ni Abraham ang Diyos. Ito ay ibinilang ng Diyos na katuwiran para kay Abraham at tinawag siyang kaibigan ng Diyos. 24 Nakikita ninyong ang tao ay pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. 25 Hindi ba sa gayon ding paraan si Rahab na isang patutot ay pinaging matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Matapos niyang tanggapin ang mga sugo, pinaalis niya sila at pinadaan sa ibang landas. 26 Ang katawang walang espiritu ay patay, gayon din ang pananampalatayang walang mga gawa. Pagpapaamo sa Dila 3 Mga kapatid ko, alam ninyo na kaming mga guro ay tatanggap ng lalong higit na kahatulan. Kaya nga huwag maging guro ang marami sa inyo. 2 Tayong lahat ay madalas na nagkakamali. Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa kaniyang pananalita, siya ay taong ganap. Napipigil niya ang buo niyang katawan. 3 Tingnan ninyo, nilalagyan natin ng bukado ang bibig ng mga kabayo upang tayo ay sundin nila. Sa pamamagitan ng bukado ay naililiko natin ang buong katawan nila. 4 Tingnan din ninyo ang mga barko. Ang mga ito ay malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin. Gayunman, bagamat malalaki, ang mga ito ay inililiko ng napakaliit na timon saan man naisin ng tagatimon. 5 Gayon din ang dila, isang maliit na bahagi ng katawan ngunit nagyayabang ng mga dakilang bagay. Tingnan ninyo, ang maliit na apoy ay nagpapaliyab ng malaking kagubatan. 6 Ang dila ay tulad ng apoy, daigdig ng kalikuan. Ang dila ay bahagi ng ating katawan na dumudungis sa kabuuan nito. Sumusunog ito sa lahat ng mga bagay tungkol sa ating pamumuhay at ito ay pinag-aapoy ng impiyerno. 7 Ang tao ay nagpapaamo ng lahat ng uri ng mga hayop at mga ibon at mga gumagapang na hayop at mga bagay sa dagat. Ang mga hayop na ito ay pinaaamo at napaamo na ng tao. 8 Ngunit walang nakapagpaamo sa dila. Ito ay masamang bagay na walang taong makapigil. Ito ay puno ng kamandag na nakamamatay. 9 Sa pamamagitan ng dila ay pinupuri natin ang Diyos Ama. Ginagamit din natin ito sa pagsumpa sa mga taong ginawa ng Diyos na kawangis niya. 10 Sa pamamagitan ng iisang bibig pinupuri natin ang Diyos at isinusumpa ang iba. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito ang mga bagay na ito. 11 Ang bukal ba ay nagbubulwak ng matamis at ng mapait na tubig sa iisang butas? 12 Mga kapatid ko, makapagbubunga ba ng olibo ang puno ng igos? o ang puno ng ubas ng igos? Ang bukal ay gayon din, hindi ito makapaglalabas ng maalat at matamis na tubig nang sabay. Dalawang Uri ng Karunungan 13 Sino sa inyo ang matalino at nakauunawa? Hayaang ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kaniyang mga gawa na may mapagpakumbabang karunungan. 14 Maaaring magkaroon ng mapait na pag-iinggitan at pagtatalu-talo sa inyong mga puso. Kung mayroon man, huwag magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Ang karunungang ito ay hindi nagmumula sa itaas, ito ay mula sa mundo. Ang karunungang ito ay mula sa kalikasan ng tao, ito ay mula sa diyablo. 16 Kung saan naroon ang pag- iinggitan at pagtatalo-talo, naroroon ang kaguluhan at bawat masasamang mga bagay. 17 Ang karunungang nagmumula sa itaas una sa lahat ay, dalisay, pagkatapos ay mapayapa, maamo, nagpapasakop, puno ng kahabagan at mabubuting bunga. Ito ay hindi nagtatangi at walang pagkukunwari. 18 Ang mga mamamayapa ay naghahasik nang mapayapa. Sila ay nag-aani ng bunga at ito ay ang katuwiran. 4 Saan nagmula ang mga labanan at mga pag- aaway-away sa inyo? Hindi ba ito ay nagmula sa inyong mga pagnanasa na naglalaban sa inyong mga kalooban? 2 Nagnanasa kayo nang masidhi ngunit hindi kayo nagkakaroon. Kayo ay pumapatay at nag-iimbot ngunit hindi kayo makakamit. Kayo ay nag-aaway-away at naglalaban-laban. Hindi kayo nagka-karoon dahil hindi kayo humihingi. 3 Nang humingi kayo, hindi kayo nakatanggap sapagkat ang inyong paghingi ay masama. Ang inyong hinihingi ay gagamitin ninyo sa inyong mga masidhing pagnanasa. 4 Kayong mga mangangalunyang lalaki at babae, ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos. Hindi ba ninyo ito alam? Kaya ang sinumang makikipagkaibigan sa sanlibutan ay kaaway ng Diyos. 5 Sinasabi ng kasulatan: Ang Espiritung nananahan sa atin ay labis na naninibugho. Sa palagay ba ninyo ay walang kabuluhan ang sinasabing ito ng kasulatan? 6 Tayo ay binigyan ng Diyos nang higit pang biyaya. Dahil dito sinabi niya: Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas ngunit binibigyan niya ng biyaya ang mga mapagpakumbaba. 7 Ipasakop nga ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at siya ay lalayo sa inyo. 8 Magsilapit kayo sa Diyos at Siya ay lalapit sa inyo. Kayong mga makasalanan, linisin ninyo ang inyong mga kamay. Kayong mga taong nagdadalawang-isip, dalisayin ninyo ang inyong mga puso. 9 Mamighati kayo, magdalamhati at tumangis. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagdadalamhati. Palitan ninyo ang inyong katuwaan ng kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at kayo ay itataas niya. 11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang gumagawa nito at humahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan at humahatol sa kautusan. Kung hinahatulan mo ang kautusan, hindi ka tagapagsagawa ng kautusan. Ikaw ay manghahatol. 12 Iisa lamang ang nagbibigay ng kautusan. Siya ay makapagliligtas at makapupuksa. Sino ka upang humatol sa ibang tao? Pagyayabang Tungkol sa Kinabukasan 13 Makinig kayo ngayon, kayong nagsasabing: Ngayon o kaya ay bukas, kami ay pupunta sa gayong lunsod. Mananatili kami roon ng isang taon. Kami ay mangangalakal at tutubo. 14 Ngunit hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Ano ba ang iyong buhay? Ito ay tulad sa isang singaw na sa maikling oras ay lumilitaw at pagkatapos ay naglalaho. 15 Ito ang dapat ninyong sabihin: Kung kalooban ng Panginoon, mabubuhay tayo. Gagawin natin ang bagay na ito o ang gayong bagay. 16 Datapuwat ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay napakasama. 17 Kaya nga, ang sinumang nakaaalam na gumawa ng mabuti at hindi gumagawa nito ay nagkakasala. Babala sa Mayayamang Nang-aapi 5 Mga mayayaman, makinig kayo, kayo ay tumangis at pumalahaw sa darating ninyong mga paghihirap. 2 Ang mga kayamanan ninyo ay nabulok. Ang mga damit ninyo ay kinain ng tanga. 3 Ang mga ginto at pilak ninyo ay kinalawang. Ang kalawang ng mga ito ang magiging patotoo laban sa inyo at siyang kakain sa inyong mga laman tulad ng apoy. Kayo ay nag-imbak ng kayamanan para sa mga huling araw. 4 Tingnan ninyo. Ipinagkait ninyo ang mga upa ng mga manggagawang gumapas sa inyong mga bukirin. Ang kanilang mga upa ay umiiyak. Ang iyak ng mga manggagawang gumapas ay narinig ng Panginoon ng mga hukbo. 5 Kayo ay namuhay sa mundong ito sa kasaganaan at pagpapasasa. Binusog ninyo ang inyong mga puso tulad sa araw ng pagkakatay. 6 Inyong hinatulan at pinatay ang taong matuwid. Hindi niya kayo tinututulan. Pagtitiis sa Kahirapan 7 Mga kapatid ko, magtiis kayo hanggang sa pagbalik ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka kung papaano siya naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa. Matiyaga niya itong hinihintay hanggang sa pagdating ng una at huling ulan. 8 Magtiis din nga kayo at patatagin ninyo ang inyong mga loob sapagkat malapit na ang pagbabalik ng Panginoon. 9 Mga kapatid, huwag kayong maghinagpis sa isa't isa upang hindi kayo mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa pintuan. 10 Mga kapatid, gawin ninyong halimbawa ang mga propeta na nangaral sa pangalan ng Panginoon. Sila ang mga halimbawa na dumanas ng paghihirap at ng pagtitiis. 11 Tingnan ninyo, itinuturing nating pinagpala ang mga nakapagtiis. Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job at nalaman ninyo ang ginawa ng Diyos. Nalaman ninyo na ang Panginoon ay lubhang maawain at mahabagin. 12 Ngunit higit sa lahat mga kapatid ko, huwag kayong susumpa. Huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng langit o lupa o ng ano pa mang panunumpa. Ang inyong oo ay dapat maging oo, ang inyong hindi ay dapat maging hindi upang hindi kayo maging mapagpakunwari. Ang Panalanging May Pananampalataya 13 Mayroon bang napipighati sa inyo? Hayaan siyang manalangin. Mayroon bang masaya sa inyo? Hayaan siyang magpuri. 14 Mayroon bang may malubhang sakit sa inyo? Hayaan siyang tumawag sa mga matatanda sa iglesya. Hayaan silang ipanalangin siya at pahiran siya ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may pananampalataya ay makapagpapagaling sa taong maysakit at siya ay ibabangon ng Panginoon. Kung mayroon siyang nagawang mga pagkakasala, siya ay patatawarin sa mga iyon. 16 Magpahayagan kayo ng inyong mga pagkakamali sa isa't isa. Magpanalanginan kayo sa isa't isa, upang gumaling kayo. Ang mabisa at taimtim na panalangin ng taong matuwid ay maraming nagagawa. 17 Si Elias ay taong may damdamin ding tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan at hindi nga umulan sa lupa sa loob nang tatlo at kalahating taon. 18 Muli siyang nanalangin at ang langit ay nagbuhos ng ulan, ang lupa ay nagbigay ng ani. 19 Mga kapatid, maaaring ang isa sa inyo ay lumihis sa katotohanan at siya ay napanumbalik ng isa sa inyo. 20 Dapat malaman ng nagpanumbalik sa makasalanan mula sa landas ng pagkakamali, na siya ay makapagliligtas ng isang kaluluwa mula sa kamatayan. Siya ay magtatakip ng maraming kasalanan.