Ang Mabuting Balita Ayon Kay Juan

                          Bibles International
                         3120 Leonard Street, N.E.
                    Grand Rapids, Michigan USA 49505-5895

                   Copyright 1990 by Bibles International
                  The Bible Society of Baptist Mid-Missions
                          Cleveland, Ohio 44130

               Paragraph and section headings are translated
               from the New International Version Study Bible,
               copyrighted 1978, with the courteous permission
                       of the Zondervan Corporation

                 This electronic text version may be freely
                 copied or printed and distributed as long
                 as this copyright information is included

             Under no circumstances may the text be redistributed
                  for sale or if modified in any manner

             Bibles International desires reader's comments at the
              above mentioned address, as well as electronic mail
                                  to:

                             Bruce McJones
                            bmcj@grfn.org

     ----------------------------------------------------------------------

                                   JUAN

          Ang Salita ay Nagkatawang Tao

          1  Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita
             ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos.  2 Siya ay sumasa
          Diyos nang pasimula pa.  3 Ang lahat ng mga bagay ay nilikha sa
          pamamagitan niya. Kung wala siya ay walang anumang nilikhang
          bagay na nalikha.  4 Ang buhay ay nasa kaniya at ang buhay ay ang
          ilaw ng mga tao.  5 Ang ilaw ay nagliwanag sa kadiliman at ito ay
          hindi naunawaan ng kadiliman.  6 May isang lalaking isinugong
          mula sa Diyos. Ang kaniyang pangalan ay Juan.  7 Siya ay
          naparitong isang saksi upang magpatotoo tungkol sa ilaw upang ang
          lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya.  8 Hindi siya ang
          ilaw ngunit siya ay sinugo upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
          9 Ang tunay na ilaw ay iyong tumatanglaw sa bawat taong
          pumaparito sa sanlibutan.  10 Siya ay nasa sanlibutan. Ang
          sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan niya at hindi siya nakilala
          ng sanlibutan.  11 Siya ay pumunta sa kaniyang sariling mga tao
          at hindi siya tinanggap ng kaniyang sariling mga tao.
          12 Datapuwat ang lahat ng tumanggap sa kaniya ay binigyan niya ng
          karapatang maging mga anak ng Diyos. Sila ay ang mga
          sumampalataya sa kaniyang pangalan.  13 Sila ay ipinanganak hindi
          sa dugo, hindi sa kalooban ng katawan, ni sa kalooban ng tao.
          Sila ay ipinanganak mula sa Diyos.  14 Nagkatawang-tao ang Salita
          at tumahan sa gitna natin. Namasdan namin ang kaniyang
          kaluwalhatian, ang kaluwalhatian ng bugtong na Anak ng Ama. Ang
          Salitang ito ay puspos ng biyaya at katotohanan.  15 Si Juan ay
          nagpapatotoo tungkol sa kaniya. Siya ay sumigaw at nagsabi: Siya
          ang aking sinasabing, ang paparitong kasunod ko ay lalong higit
          sa akin sapagkat siya ay una sa akin.  16 Mula sa kaniyang
          kapuspusan ay tumanggap tayong lahat ng abut-abot na biyaya.
          17 Ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Ang biyaya
          at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesukristo.
          18 Walang taong nakakita kailanman sa Diyos.  Ang bugtong na Anak
          na nasa piling ng Ama ang naghayag sa kaniya.

          Itinanggi ni Juan na Tagapagbawtismo na Siya ang Kristo

             19 Ito ang patotoo ni Juan nang isugo sa kaniya ng mga Judio
          ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem. Isinugo sa kaniya
          ang mga pari  at mga Levita  upang  tanungin  siya,
          Sino Ka?  20 Siya ay nagtapat at hindi nagkaila. Kaniyang
          ipinagtapat: Hindi ako ang Kristo.
             2l Tinanong nila siya: Sino ka ba talaga? Ikaw ba si Elias.
             Sinabi niya: Hindi ako.
             Ikaw ba ang propeta?
             Siya ay sumagot:  Hindi.
             22 Sinabi nga nila sa kaniya:  Sino ka ba nang sa gayon ay
          maibigay namin ang kasagutan sa nagsugo sa amin. Ano ang masasabi
          mo tungkol sa iyong sarili?  23 Sinabi niya:  Ako ang tinig ng
          sumisigaw sa ilang.  Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon. Ganito
          ang sinabi ni Isaias na propeta.  24 Silang mga sinugo ay mga
          maka-Pariseo.  25 Tinanong nila siya at sinabi sa kaniya: Bakit
          ka nagbabawtismo kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang
          propeta?
             26 Sinagot sila ni Juan na nagsasabi: Ako ay nagbabaw-tismo ng
          tubig,  ngunit sa inyong kalagitnaan ay may isang nakatayo na
          hindi ninyo kilala.  27 Siya ang paparitong kasunod ko na lalong
          higit sa akin. Hindi ako karapatdapat na magkalag ng panali ng
          kaniyang panyapak.
             28 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa Betabara, sa ibayo ng
          Jordan na pinagbabawtismuhan ni Juan.

          Si Jesus ang Kordero ng Dios

             29 Kinabukasan, nang makita ni Juan si Jesus na papalapit sa
          kaniya, sinabi niya: Tingnan ninyo ang Kordero ng Diyos na nag-
          aalis ng kasalanan ng sanlibutan.  30 Siya ang aking tinutukoy
          nang sabihin kong may paparitong kasunod ko na isang lalaki na
          lalong higit sa akin sapagkat siya  ay una sa akin.  31 Hindi ko
          siya kilala ngunit upang maihayag siya sa Israel ako nga ay
          naparitong nagbabawtismo sa tubig.
             32 Nagpatotoo si Juan na nagsasabi: Nakita ko ang Espiritu na
          bumabang buhat sa langit tulad ng isang kalapati. Ito ay nanahan
          sa kaniya.  33 Hindi ko siya kilala ngunit ang nagsugo sa akin
          upang magbawtismo sa pamamagitan ng tubig ay siya ring nagsabi sa
          akin: Kung kanino mo makikitang bababa
          at mananahan ang Espiritu siya ang magbabawtismo ng Banal na
          Espiritu.  34 Aking nakita at pinatotohanan na siya ang Anak ng
          Diyos.

          Ang mga Unang  Alagad ni Jesus

             35 Kinabukasan ay nakatayo roong muli si Juan at ang dalawa
          niyang alagad.  36 Pagtingin niya kay Jesus na naglalakad, sinabi
          niya:  Tingnan ninyo ang Kordero ng Diyos.
             37 Narinig siya ng dalawang alagad nang siya ay magsalita.
          Sumunod sila kay Jesus.  38 Paglingon ni Jesus at nakita silang
          sumusunod sinabi niya sa kanila: Ano ang inyong hinahanap? Sinabi
          nila sa kaniya: Rabbi, na kung liliwanagin ay Guro, saan ka
          nakatira?
             39 Sinabi niya sa kanila: Halikayo at inyong tingnan. Sila ay
          pumaroon at nakita nila ang kaniyang tinitirahan. Nanatili silang
          kasama niya nang araw na iyon, noon ay mag-iikasampu na ang oras.
             40 Ang isa  sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay
          Jesus ay si Andres. Siya ay kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang
          hinanap ang kaniyang sariling kapatid na si Simon,
          at sinabi sa kaniya: Natagpuan namin ang Mesiyas. Ang kahulugan
          ng Mesiyas ay Kristo.1
             42 Isinama ni Andres si Simon kay Jesus. Pagtingin sa kaniya,
          sinabi ni Jesus: Ikaw ay si Simon na anak ni Jonas, tatawagin
          kang Cefas.  Kung isasalin ang Cefas ay Pedro.2

          Pagtawag Kina Felipe at Natanael

             43 Kinabukasan ay ninais ni Jesus na pumunta sa Galilea.
          Nasumpungan niya si Felipe at sinabi sa kaniya: Sumunod ka sa
          akin.
             44 Si Felipe ay taga-Betsaida na lunsod nina Andres at Pedro.
          45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael at sinabi sa kaniya: Ang
          isinulat ni Moises sa kautusan at isinulat ng mga propeta ay
          nasumpungan namin. Siya ay si Jesus, ang anak ni Jose na taga-
          Nazaret.  46 Itinanong ni Natanael sa kaniya:  May mabuti bang
          bagay na magmumula sa Nazaret?  Sinabi sa kaniya ni Felipe:
          Halika at tingnan mo.  47 Nakita ni Jesus si Natanael na
          papalapit sa kaniya, sinabi niya ang tungkol kay Natanael:
          Tingnan ninyo, ang isang tunay na taga-Israel, sa kaniya ay
          walang daya.
             48 Itinanong sa kaniya ni Natanael: Papaano mo ako nakilala?
          Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Bago ka pa tawagin ni
          Felipe ay nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng
          igos.
     ____________________
            1  Ang Mesiyas ay salitang Hebreo, ang Kristo ay salitang
            Griego na ang ibig sabihin ay Pinahiran ng Langis.
            2  Ang bato sa Aramaic ay Cefas, sa Griego ay Pedro.
     --------------------
             49 Sumagot si Natanael at sinabi sa kaniya: Guro, ikaw ang
          Anak ng Diyos. Ikaw ang Hari ng Israel.
             50 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Sumasampalataya ka ba
          dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makikita
          mo ang mga bagay na higit na dakila kaysa sa mga ito. 51 Sinabi
          ni Jesus sa kaniya: Totoong-totoong sinasabi ko sa iyo, mula
          ngayon ay makikita ninyong bukas ang langit. Makikita ninyo ang
          mga anghel ng Diyos ay pumapaitaas at bumababa sa Anak ng Tao.

          Ginawang Alak ang Tubig

          2  Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng kasalan sa Cana
             ng Galilea. Naroroon ang ina ni Jesus.  2 Si Jesus at ang
          kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan.  3 Nang
          magkulang ang alak, nagsabi ang ina ni Jesus sa kaniya:  Wala na
          silang alak.
             4 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, bakit ako mauugnay na
          kasama mo sa bagay na ito? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.
             5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga lingkod:  Gawin ninyo ang
          anumang sasabihin niya sa inyo.
             6 Mayroon doong anim na tapayang bato na nakalagay alinsunod
          sa pagdadalisay ng mga Judio. Ang bawat isa ay maaaring maglaman
          ng dalawampu hanggang tatlumpung galong tubig.
             7 Sinabi ni Jesus sa mga lingkod: Punuin ninyo ng tubig ang
          mga tapayan. Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.
             8 Sinabi niya sa kanila: Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo
          sa namamahala ng handaan. Kanilang dinala ito.  9 Natikman ng
          namamahala  ng  handaan ang tubig na naging alak. Hindi niya alam
          kung saan ito nanggaling  ngunit alam ng mga lingkod na sumalok
          ng tubig. Dahil dito, tinawag ng namamahala ng kapistahan ang
          katipang lalaki.  10 Sinabi niya sa kaniya:  Unang inihahain ng
          bawat lalaki ang mabuting alak. Ang mababang uri ay inihahain
          kapag marami na silang nainom. Napamalagi mo ang mabuting alak
          hanggang ngayon.
             11 Ang pasimulang ito ng mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana
          ng Galilea at nahayag ang kaniyang kaluwalhatian. Ang kaniyang
          mga alagad ay sumampalataya sa kaniya.

          Nilinis ni Jesus ang Templo

             12 Pagkatapos nito ay lumusong siya patungong Capernaum.
          Kasama niya ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki at ang
          kaniyang mga alagad. Hindi sila nanatili roon nang matagal.
             13 Malapit na ang Araw ng Paglagpas sa mga Judio at umahon si
          Jesus patungong Jerusalem.  14 Nakita niya sa templo ang mga
          nagtitinda ng mga toro, mga tupa at
          mga kalapati at ang mga mamamalit-salapi na nakaupo.
          15 Pagkagawa niya ng panghagupit na lubid ay tinaboy niya silang
          lahat papalabas sa templo pati na ang mga tupa at ang mga toro.
          Ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit-salapi at itinumba ang
          kanilang mga mesa.  16 Sa mga nagtitinda ng kalapati ay sinabi
          niya: Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito. Huwag ninyong
          gawing bahay-kalakal ang bahay ng aking Ama.
             17 Naalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: Pinagharian
          ako ng kasigasigan sa iyong bahay.
             18 Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya: Anong tanda
          ang maipapakita mo sa amin yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?
             19 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Gibain ninyo ang
          templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.
             20 Sinabi nga ng mga Judio: Apatnapu't anim na taon ang
          pagtatayo ng templong ito at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?
          21 Ang templo na kaniyang tinutukoy ay ang kaniyang katawan.
          22 Nang ibinangon nga siya mula sa mga patay ay naalala ng
          kaniyang mga alagad na sinabi niya ito sa kanila. Sumampalataya
          sila sa kasulatan at sa salita na sinabi ni Jesus.
             23 Si Jesus ay nasa Jerusalem nang Araw ng Paglagpas. Sa
          panahon ng kapistahan, marami ang sumampalataya sa kaniyang
          pangalan nang kanilang makita ang mga tanda na ginawa niya.
          24 Gayon pa man hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang sarili
          sa kanila dahil nakikilala niya ang lahat.  25 Hindi niya
          kailangang magpatotoo ang sinuman tungkol sa tao sapagkat
          nalalaman niya kung ano ang nasa kalooban ng tao.

          Tinuruan ni Jesus si Nicodemo

          3  May isang lalaki sa mga Pariseo na ang pangalan
             ay Nicodemo. Siya ay isang pinuno ng mga Judio.  2 Pumunta
          siya kay Jesus nang gabi at nagsabi: Guro, alam namin na ikaw ay
          isang guro na mula sa Diyos. Ito ay sa dahilang walang makagagawa
          ng mga tanda na iyong ginagawa malibang sumasakaniya ang Diyos.
             3 Tumugon si Jesus at sinabi sa kaniya: Totoong-totoong
          sinasabi ko sa iyo, malibang ipanganak na muli ang isang tao,
          hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.
             4 Itinanong ni Nicodemo sa kaniya: Papaano maipanganga-nak ang
          taong matanda na?  Makapapasok ba siyang muli sa bahay-bata ng
          kaniyang ina at ipanganak?
             5 Sumagot si Jesus: Totoong-totoong sinasabi ko sa iyo,
          malibang ang isang tao ay ipanganak ng tubig at ng
          Espiritu hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.  6 Ang
          ipinanganak sa laman ay laman at ang ipinanganak sa Espiritu ay
          espiritu.  7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyong,
          Kinakailangang ipanganak kang muli.  8 Ang hangin ay umiihip kung
          saan nito ibig. Naririnig mo ang ugong nito ngunit hindi mo alam
          kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Gayon ang bawat
          ipinanganak sa Espiritu.
             9 Tumugon si Nicodemo at sinabi sa kaniya: Papaano mangyayari
          ang mga bagay na ito?
             10 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Ikaw ay guro sa
          Israel at hindi mo alam ang mga bagay na ito?  11 Totoong-totoong
          sinasabi ko sa iyo, ang aming nalalaman ay sinasabi namin.
          Pinatotohanan namin ang mga nakita namin. Hindi ninyo tinanggap
          ang aming patotoo.  12 Hindi ninyo pinani-walaan ang mga bagay na
          panlupa na sinabi ko sa inyo. Papaano ninyo paniniwalaan kung
          sasabihin ko sa inyo ang mga panlangit na bagay?  13 Walang
          pumaitaas sa langit maliban sa kaniya na bumabang mula sa langit.
          Siya ay ang Anak ng Tao na nasa langit.  14 Kung papaanong
          itinaas ni Moises ang ahas sa ilang ay gayon kinakailangang itaas
          ang Anak ng Tao.  15 Ito ay upang ang sinumang sumampalataya sa
          kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang
          hanggan.
             16 Lubos na iniibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob
          niya ang kaniyang bugtong na anak upang ang sinumang
          sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng
          buhay na walang hanggan. 17 Hindi sinugo ng Diyos ang kaniyang
          anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan. Sinugo niya ang
          kaniyang anak upang ang sanlibutan ay maligtas sa  pamamagitan
          niya.  18 Siya  na sumasampalataya sa kaniya ay hindi
          hinahatulan. Ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na sapagkat
          siya ay hindi sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng
          Diyos.  19 Ito ang hatol. Ang ilaw ay dumating sa sanlibutan at
          inibig ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw. Ito ay dahil ang
          kanilang mga gawa ay masasama.  20 Ang bawat isang gumagawa ng
          masama ay napopoot sa ilaw. Hindi siya lumalapit sa ilaw upang
          hindi malantad ang kaniyang mga gawa.  21 Siya na nagsasagawa ng
          katotohanan ay pumupunta sa ilaw upang maihayag na ang kaniyang
          mga gawa ay ginawa sa pamamagitan ng Diyos.

          Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbawtismo Tungkol kay Jesus

             22 Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus at ang
          kaniyang mga alagad sa lupain ng Judea.  Siya ay nanatili roong
          kasama nila at nagbawtismo.  23 Si Juan ay nagbabawtismo rin sa
          Enon na malapit sa Salim sapagkat maraming tubig doon. Sila ay
          pumaroon at nabawtismuhan.  24 Si Juan ay hindi pa nakabilanggo
          noon. 25 Nagkaroon ng isang katanungan ang mga alagad ni Juan at
          ang mga Judio tungkol sa pagdadalisay. 26 Sila ay lumapit kay
          Juan at sinabi
          sa kaniya: Guro, tingnan mo, ang kasama mo sa ibayo ng Jordan na
          iyong pinatotohanan ay nagbabawtismo. Lahat ay pumupunta sa
          kaniya.
             27 Tumugon si Juan at nagsabi: Walang matatanggap ang isang
          tao malibang ito ay ipagkaloob sa kaniya mula sa langit.  28 Kayo
          ang makapagpapatotoo na aking sinabi, hindi ako ang Kristo. Ako
          ay sinugong una sa kaniya.  29 Ang may katipang babae ay ang
          katipang lalaki. Ang kaibigan ng katipang lalaki ay nakatayo at
          nakikinig sa kaniyang tinig. Siya ay lubos
          na nagagalak sapagkat naririnig niya ang tinig ng katipang
          lalaki. Sa ganito ring paraan ako ay lubos na nagagalak.
          30 Kinakailangang siya ay maging higit na dakila at ako ay maging
          higit na mababa.
             31 Siya na nagmula sa itaas ay higit sa lahat. Siya na nagmula
          sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita ng ukol sa
          lupa. Siya na nagmula sa langit ay higit sa lahat.  32 Siya na
          higit sa lahat ay nagpapatotoo sa kaniyang nakita at narinig.
          Walang sinumang tumanggap ng kaniyang patotoo.  33 Siya na
          tumanggap ng kaniyang patotoo ay nagtatak na ang Diyos ay totoo.
          34 Siya na isinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng
          Diyos. Ibinibigay ng Diyos ang Espiritu ng walang sukat.
          35 Iniibig ng Ama ang Anak at ibinigay niya ang lahat ng mga
          bagay sa kaniyang mga kamay. 36 Siya na sumasampalataya sa anak
          ay may buhay na walang hanggan. Ang hindi sumasampalataya sa anak
          ay hindi makakakita ng buhay at ang poot ng Diyos ay nananatili
          sa kaniya.

          Nakipag-usap si Jesus sa Babaing Taga-Samaria

          4  Nalaman ng Panginoon na narinig ng mga Pariseo ang
             ginagawa ni Jesus. Narinig nila na siya ay nagkakaroon
          at nagbabawtismo ng ligit na maraming alagad kaysa kay Juan.
          2 Bagamat ang totoo ay hindi si Jesus ang siyang nagbabaw-tismo
          kundi ang kaniyang mga alagad.  3 Dahil dito, umalis siya sa
          Judea at nagpuntang muli sa Galilea.
             4 Kinakailangang magdaan siya sa Samaria. 5 Pumunta nga siya
          sa Sicar na isang lunsod ng Samaria. Ito ay malapit
          sa lupaing ibinigay ni Jacob sa kaniyang anak na si Jose.
          6 Naroroon ang bukal ni Jacob. Dahil napagod si Jesus sa
          paglalakbay siya ay umupo sa tabi ng balon. Mag-iika-anim na ang
          oras ng araw.
             7 Dumating ang isang babaing taga-Samaria upang sumalok ng
          tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bigyan mo ako ng maiinom.
          8 Ang kaniyang mga alagad ay nagpunta na sa lunsod upang bumili
          ng pagkain.
             9 Sinabi sa kaniya ng babaing taga-Samaria: Bakit
          ka humihingi sa akin ng maiinom? Ikaw ay isang Judio samantalang
          ako ay isang taga-Samaria. Ang mga Judio ay hindi nakikipag-
          ugnayan sa mga taga-Samaria.
             10 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Kung alam mo ang
          kaloob ng Diyos at kung sino siya na nagsasabi sa iyo, bigyan mo
          ako ng maiinom, ay hihingi ka sa kaniya. Ibibigay niya sa iyo ang
          tubig na buhay.
             11 Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, wala kang panalok at
          malalim ang balon. Saan magmumula ang iyong tubig na buhay?
          12 Mas dakila ka ba sa aming magulang na si Jacob? Siya ang
          nagbigay sa amin ng balon. Siya ay uminom dito, gayon din ang
          kaniyang mga anak at ang kaniyang mga hayop.
             13 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Ang bawat isang
          uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw. 14 Ang sinumang uminom
          ng tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang
          tubig na aking ibibigay sa kaniya ay magiging balon ng tubig na
          mapapasa kaniya. Ito ay bubukal sa buhay na walang hanggan.
             15 Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na
          ito upang hindi na ako mauhaw ni pumunta rito upang sumalok.
             16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Humayo ka, tawagin mo ang iyong
          asawa at pumarito kayo.
             17 Sumagot ang babae at sinabi: Wala akong asawa. Sinabi ni
          Jesus sa kaniya: Mabuti ang sinabi mong wala kang asawa.  18 Ito
          ay sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa at ang kinakasama mo
          ngayon ay hindi mo asawa.  Totoo ang iyong sinabi.
             19 Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, sa pakiwari ko ikaw ay
          isang propeta.  20 Sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno.
          Sinasabi mo na ang pook na dapat sambahan ay sa Jerusalem.
             21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, maniwala ka sa akin.
          Darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na
          ito ni sa Jerusalem.  22 Hindi ninyo nakikilala ang sinasamba
          ninyo. Kilala namin ang  aming sinasamba sapagkat ang kaligtasan
          ay sa mga Judio.  23 Darating ang oras at ngayon na nga, na ang
          mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at sa
          katotohanan. Hinahanap ng Ama ang mga gayong sumasamba sa kaniya.
          24 Ang Diyos ay espiritu.  Sila na sumasamba sa kaniya ay dapat
          sumamba sa espiritu at katotohanan.
             25 Sinabi ng babae sa kaniya: Alam ko na ang Mesiyas na
          tinatawag na Kristo ay darating. Sa kaniyang pagdating ay
          sasabihin niya sa amin ang lahat ng mga bagay.
             26 Sinabi sa kaniya ni Jesus: Ako na iyon, ako na nagsasalita
          sa iyo.

          Bumalik ang mga Alagad

             27 Nang sandaling iyon ay dumating ang kaniyang mga alagad.
          Sila ay nagtaka na siya ay nakikipag-usap sa isang babae. Gayon
          pa man walang isa mang nagtanong ng, ano ang iyong hinahanap o
          bakit ka nakikipag-usap sa kaniya?  28 Iniwan nga ng babae ang
          kaniyang banga at nagpunta sa lunsod. Sinabi niya sa mga lalaki,
          29 Halikayo, tingnan ninyo ang isang lalaki na nagsabi sa akin ng
          lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na kaya ang Kristo?
          30 Lumabas nga sila sa lunsod at nagpunta kay Jesus.
             31 Samantala, ipinakikiusap sa kaniya ng mga alagad na
          nagsasabi: Guro, kumain ka.
             32 Sinabi niya sa kanila: Mayroon akong kakaining pagkain na
          hindi ninyo alam.
             33  Nag-usap-usap nga ang mga alagad: May nagdala ba sa kaniya
          ng makakain?
             34 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ang aking pagkain ay ang gawin
          ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.
          35 Hindi ba sinasabi ninyo, apat na buwan pa bago dumating ang
          tag-ani? Tingnan ninyo, sinasabi ko sa inyo, itaas ninyo ang
          inyong paningin at tingnan ang mga bukid. Ito ay hinog na para
          anihin.  36 Ang nag-aani ay tumatanggap ng upa. Siya ay
          nagtitipon ng bunga hanggang sa buhay na walang hanggan. Ito ay
          upang ang naghahasik at ang nag-aani ay kapuwa magkasamang
          magalak.
             37 Totoo ang kasabihan: Iba ang naghahasik at iba ang nag-
          aani.  38 Isinugo ko kayo upang mag-ani ng hindi ninyo
          pinagpaguran. Ibang tao ang nagpagod at kayo ang nakinabang sa
          kanilang pinagpaguran.

          Maraming Taga-Samaria ang Sumampalataya

             39 Marami sa mga taga-Samaria sa lunsod na iyon ang
          sumampalataya kay Jesus. Ito ay dahil sa sinabi ng babae. Siya ay
          nagpatotoong: Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking
          ginawa.  40 Kaya nga nang nagpunta kay Jesus ang mga lalaking
          taga-Samaria ay hiniling nilang siya ay manatili na kasama nila.
          Siya ay nanatili roon ng dalawang araw.  41 Marami pa ang mga
          nagsisampalataya dahil sa kaniyang salita.
             42 Sinabi nila sa babae: Sumasampalataya kami ngayon hindi na
          dahil sa sinabi mo. Kami ang nakarinig at aming nalaman na ito na
          nga ang pinahiran.  Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan.

          Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Pinuno

             43 Pagkaraan ng dalawang araw na iyon, umalis siya roon at
          nagpunta sa Galilea. 44 Si Jesus ang siyang nagpatotoo: Ang isang
          propeta ay walang karangalan sa kaniyang sariling bayan.  45 Kaya
          nang siya ay dumating sa Galilea, tinanggap siya ng
          mga taga-Galilea na nagpunta rin sa kapistahan.  Ito ay dahil
          nakita nila ang lahat ng mga bagay na ginawa niya sa Jerusalem sa
          panahon ng kapistahan.
             46 Nagpunta ngang muli si Jesus sa Cana na nasa Galilea. Ito
          ang pook na kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Naroroon ang
          isang maharlikang lalaki. Ang kaniyang anak
          na lalaki na nasa Capernaum ay maysakit.  47 Narinig ng
          maharlikang lalaki na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa
          Judea. Pagkarinig niya, nagpunta siya kay Jesus at hiniling na
          siya ay lumusong at pagalingin ang kaniyang anak na lalaki. Ito
          ay dahil ang kaniyang anak ay malapit nang mamatay.
             48 Sinabi nga sa kaniya ni Jesus:  Malibang makakita ka
          ng mga tanda at mga kababalaghan ay hinding-hindi ka
          sasampalataya.
             49 Sinabi ng maharlikang lalaki sa kaniya:  Ginoo, lumusong ka
          bago mamatay ang aking maliit na anak.
             50 Sinabi sa kaniya ni Jesus:  Yumaon ka, buhay ang anak mong
          lalaki.
             Sinampalatayanan ng lalaki ang salitang sinabi ni Jesus sa
          kaniya at siya ay umalis.  51 Nang siya ay lumulusong na ay
          sinalubong siya ng kaniyang mga alipin.  Kanilang iniulat na
          buhay ang kaniyang anak.  52 Tinanong niya sila kung anong oras
          gumaling ang kaniyang anak.  Kanilang sinabi sa kaniya:  Kahapon
          nang ikapitong oras ng araw nawala ang kaniyang lagnat.
             53 Nalaman nga ng ama na sa ganoong oras sinabi ni Jesus sa
          kaniya na ang anak niya ay buhay.  Siya ay sumampalataya, pati
          ang buong sambahayan niya.
             54 Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus sa kaniyang
          pagdating sa Galilea mula sa Judea.

          Ang Pagpapagaling sa may Dakong Paliguan

          5  Pagkatapos ng mga bagay na ito ay may kapistahan
             ang mga Judio. Si Jesus ay umahon sa Jerusalem.  2 May dakong
          paliguan sa Jerusalem na nasa tabi ng tarangkahan ng mga tupa.
          Ito ay tinatawag na Betesda sa wikang Hebreo. Ito
          ay mayroong limang koridor. 3 Dito ay may napakaraming
          nakahandusay na mga maysakit. May mga bulag, pilay, at nanunuyot,
          na naghihintay ng paggalaw ng tubig.
             4 May mga panahon na lumulusong ang isang anghel sa dakong
          paliguan at ginagalaw ang tubig. Ang unang makalu-song pagkatapos
          galawin ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na mayroon siya.
             5 Naroroon ang isang lalaki na tatlumpu't walong taon nang
          maysakit.  6 Siya ay nakita ni Jesus na nakahandusay. Nang
          malaman niya na matagal nang panahon na siya ay may sakit ay
          sinabi sa kaniya: Nais mo bang gumaling?
             7 Sinagot siya ng maysakit: Ginoo, wala akong kasama na
          maglalagay sa akin sa dakong paliguan pagkagalaw sa tubig. Sa
          pagpunta ko roon ay may nauunang lumusong sa akin.
             8 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bumangon ka, buhatin mo ang iyong
          higaan at lumakad ka.  9 Dagling gumaling ang lalaki. Binuhat
          niya ang kaniyang higaan at lumakad.
             Noon ay araw  ng  sabat.  10 Sinabi nga ng mga Judio sa
          pinagaling:   Ngayon ay sabat, labag sa kautusan na magbuhat ka
          ng higaan.
             11 Sinagot niya sila: Ang nagpagaling sa akin ay siyang
          nagsabi sa akin, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.
             12 Tinanong nga nila siya: Sino ang lalaking nagsabi sa iyong
          buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?
             13 Hindi kilala ng pinagaling kung sino siya. Ito ay dahil si
          Jesus ay nakaalis na at maraming mga tao sa pook na iyon.
             14 Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa templo. Sinabi
          sa kaniya: Tingnan mo, ikaw ay magaling na. Huwag ka nang
          magkasala upang hindi mangyari sa iyo ang malubhang bagay.
          15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang
          nagpagaling sa kaniya.

          Ang Buhay sa Pamamagitan ng Anak

             16 Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus. Pinagtangkaan
          nilang patayin siya sapagkat ginawa niya ang mga bagay na ito sa
          araw ng sabat.  17 Sinabi sa kanila ni Jesus: Ang aking Ama ay
          gumagawa hanggang ngayon at ako ay gumagawa.  18 Dahil dito ay
          lalo ngang pinagtangkaan ng mga Judio na patayin siya. Ito ay
          sapagkat hindi lamang niya nilabag ang sabat kundi tinawag pa
          niyang sariling Ama ang Diyos na ipinapantay ang kaniyang sarili
          sa Diyos.
             19 Tumugon nga si Jesus at sinabi sa kanila: Totoong-totoong
          sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman ang Anak sa
          kaniyang sarili malibang  makita niya ang ginagawa ng Ama.
          Anumang mga bagay na ginagawa ng Ama ay  siya ring ginagawa ng
          Anak.  20 Mahal ng Ama ang Anak at ipinapakita niya sa kaniya ang
          lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa. Higit na dakilang mga
          gawa kaysa sa mga ito ang ipapakita niya
          sa kaniya upang kayo ay mamangha.   21 Kung papaanong ibinabangon
          ng Ama ang mga patay at binubuhay gayon din binubuhay ng Anak ang
          nais niyang buhayin.  22 Ang Ama ay hindi humahatol sa sino man
          ngunit ibinigay niya ang lahat  ng paghatol sa Anak.  23 Ito ay
          upang parangalan ng lahat ang Anak kung papaano nila pinarangalan
          ang Ama.  Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal
          sa Ama na nagsugo sa kaniya.
             24 Totoong-totoo ang sinasabi ko sa inyo. Ang dumirinig sa
          aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay
          may buhay na walang hanggan. Siya ay hindi na hahatulan
          kundi lumipat na mula sa kamatayan tungo sa kabuhayan.
          25 Totoong-totoo ang sinasabi ko sa inyo. Ang oras ay darating at
          ito ay ngayon na. Maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng
          Diyos. Sila na nakarinig ay mabubuhay.  26 Kung papaanong ang Ama
          ay mayroong buhay sa kaniyang sarili ay gayon din pinagkalooban
          niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili.  27 Ang
          karapatan ay ibinigay rin sa kaniya upang magsagawa ng paghatol
          sapagkat siya ay Anak ng Tao.
             28 Huwag ninyo itong ikamangha. Darating ang oras na ang lahat
          ng nasa mga libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig.  29 Sila
          ay lalabas, ang mga gumawa ng mabuti ay bubuhaying muli patungo
          sa buhay. Ang mga gumawa ng masama ay bubuhaying muli patungo sa
          kahatulan. 30 Wala akong magagawang anuman sa pamamagitan ng
          aking sarili. Ako ay humahatol ayon sa naririnig ko. Ang aking
          hatol ay matuwid. Ito ay dahil hindi ko hinahangad ang aking
          kalooban kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin.

          Mga Patotoo Tungkol Kay Jesus

             31 Kung ako ay magpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking
          patotoo ay hindi totoo.  32 Iba ang nagpapatotoo tungkol sa akin
          at alam ko na ang patotoong pinatotohanan niya tungkol sa akin ay
          totoo.
             33 May pinapunta kayong mga Judio kay Juan at siya ay
          nagpatotoo sa katotohanan.  34 Hindi ako tumatanggap ng patotoo
          mula sa tao datapuwat sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo
          ay maligtas.  35 Siya ang nagniningas at nagliliwanag na ilawan.
          Kayo ay pumayag na magalak ng maikling panahon sa kaniyang
          liwanag.  36 Ako ay may patotoong mas higit kaysa patotoo ni
          Juan. Ang mga gawain na ipinagkaloob sa akin ng Ama upang tapusin
          ay nagpapatotoo tungkol sa akin. Ang mga gawaing ginagawa ko ay
          nagpapatotoong ang Ama ang nagsugo sa akin.  37 Ang Ama na
          nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan man
          ay hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig o nakita man ang
          kaniyang anyo.  38 Walang nanatiling salita niya sa inyo dahil
          hindi kayo sumampalataya sa sinugo niya.  39 Sinaliksik ninyo ang
          mga kasulatan sapagkat inaakala ninyo na sa mga ito ay may buhay
          na walang hanggan. Ang mga kasulatang ito ang nagpapatotoo
          tungkol sa akin.  40 Ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo ay
          magkaroon ng buhay.
             41 Hindi ako tumatanggap ng pagluwalhati mula sa
          mga tao.  42 Alam ko na wala kayong pag-ibig sa Diyos.
          43 Pumarito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako
          tinanggap. Kung may ibang paparito sa kaniyang sariling pangalan
          ay siya ninyong tatanggapin.  44 Papaano kayo makasasampalataya,
          kayo na tumatanggap ng papuri sa isa't isa?  Hindi ninyo
          hinahangad ang papuri na nagmumula sa iisang Diyos.
             45 Huwag ninyong isipin na isasakdal ko kayo sa Ama. Si Moises
          na inyong inasahan ang siyang magsasakdal sa inyo.  46 Kung
          sumampalataya kayo kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin. Siya
          ay sumulat tungkol sa akin.  47 Kung hindi ninyo
          sinasampalatayanan ang kaniyang mga sinulat papaano ninyo
          sasampalatayanan ang aking mga salita?

          Pinakain ni Jesus ang Limang Libo

          6  Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumawid si Jesus
             sa lawa ng Galilea. Ito ay ang lawa ng Tiberias.  2 Mara-ming
          mga tao ang sumunod sa kaniya dahil nakita nila ang mga himala na
          kaniyang ginawa sa mga maysakit.  3 Si Jesus ay umakyat sa bundok
          at umupo roon na kasama ng kaniyang mga alagad.  4 Malapit na ang
          araw ng Paglagpas, ang kapistahan ng mga Judio.
             5 Nang magtaas ng paningin si Jesus nakita niya ang
          napakaraming  taong papalapit sa kaniya. Sinabi niya kay Felipe:
          Saan tayo makabibili ng   tinapay upang makakain ang mga ito?
          6 Sinabi niya ito upang subukin si Felipe sapagkat alam na niya
          kung ano ang kaniyang gagawin.
             7 Sumagot si Felipe sa kaniya: Ang dalawandaang denaryong
          tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng kaunti ang
          bawat isa sa kanila.  8 Si Andres, isa sa kaniyang mga alagad na
          kapatid ni Simon Pedro ay nagsabi sa kaniya:  9 Mayroong isang
          batang lalaki rito na may limang tinapay na sebada at dalawang
          maliit na isda. Gasino na ito sa ganitong karaming tao?
             10 Sinabi ni Jesus: Paupuin ninyo ang mga tao. Madamo sa
          dakong iyon  kaya naupo ang mga lalaki na ang dami ay humigit-
          kumulang sa limang libo.  11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay.
          Nang makapagpasalamat siya, ipinamahagi niya sa mga alagad. Ito
          naman ay ipinamahagi ng mga alagad sa mga nakaupo.  Gayundin ang
          ginawa sa mga isda, ito ay ipinamahagi gaano man ang kanilang
          ibigin.
             12 Nang sila ay mabusog, sinabi niya sa kaniyang mga alagad:
          Ipunin ninyo ang mga lumabis na bahagi upang walang masayang.
          13 Inipon nga nila ang mga lumabis. Nakapuno sila ng
          labindalawang bayong ng bahaging mula sa limang tinapay na sebada
          na lumabis sa mga kumain.
             14 Nakita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus. Dahil dito
          kanilang sinabi: Ito na nga ang propeta na darating sa
          sanlibutan.  15 Nalaman ni Jesus na sila ay lalapit at siya ay
          susunggaban upang gawing hari. Dahil dito siya ay umalis at
          muling nagpuntang nag-iisa sa bundok.

          Si Jesus ay Lumakad sa Tubig

             16 Nang magtakipsilim na, lumusong ang mga alagad niya sa
          dagat.  17 Sumakay sila sa bangka. Sila ay papatawid ng dagat
          patungong Capernaum.  Dumilim na at hindi pa nila kasama si
          Jesus.  18 Sa pag-ihip ng malakas na hangin, ang dagat ay naging
          maalon. 19 Nang sila ay nakagaod na nang may lima o anim na
          kilometro nakita nila si Jesus. Siya ay lumalakad sa ibabaw ng
          lawa papalapit sa bangka at sila ay natakot.  20 Sinabi niya sa
          kanila:  Ako ito, huwag kayong matakot.  21 Malugod nga nilang
          pinasakay si Jesus sa bangka. Kapagdaka, ang bangka ay nasa
          bayang kanilang pupuntahan.
             22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nanatili sa kabilang ibayo
          ng dagat na walang ibang bangka roon. Ang naroroon lang ay ang
          sinakyan ng mga alagad ni Jesus.  Alam nilang hindi sumama si
          Jesus sa kaniyang mga alagad sa bangka at sila lang ang umalis.
          23 May ibang mga bangkang dumating na mula sa Tiberias. Ito ay
          malapit sa pook na kung saan kumain sila ng tinapay pagkatapos
          ipagpasalamat ng Panginoon.  24 Nakita nga ng mga tao na wala si
          Jesus maging ang mga alagad niya. Pagkatapos sumakay rin sila sa
          mga bangka at pumunta sa Capernaum, hinahanap nila si Jesus.

          Si Jesus ang Tinapay ng Buhay

             25 Natagpuan nila siya sa kabilang dako ng dagat. Pagkakita
          nila, tinanong nila siya: Guro, kailan ka pumunta rito?
             26 Sinagot sila ni Jesus at sinabi: Totoong-totoong sinasabi
          ko sa inyo, hinanap ninyo ako hindi sa dahilang nakita ninyo ang
          mga tanda. Ang dahilan ay nakakain kayo ng mga tinapay na sebada
          at nasiyahan.  27 Huwag kayong gumawa para sa pagkaing nasisira.
          Gumawa kayo para sa pagkaing mananatili sa walang hanggang buhay.
          Ito ay ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao sapagkat siya ang
          tinatakan ng Diyos Ama.
             28 Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ang gagawin namin upang
          aming magawa ang mga gawaing mula sa Diyos?
             29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Ito ang gawain mula
          sa Diyos, na kayo ay sumampalataya sa kaniya na isinugo ng Ama.
             30 Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ngayon ang himalang gagawin
          mo upang makita namin at sumampalataya kami sa iyo? Ano ang
          gagawin mo?  31 Ang mga ninuno namin ay kumain ng mana sa ilang.
          Katulad ng nasusulat, binigyan niya sila ng tinapay na kakainin
          na nagmula sa langit.
             32 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Totoong-totoong sinasabi ko
          sa inyo, hindi kayo binigyan ni Moises ng tinapay mula sa langit.
          Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa
          langit.  33 Ang tinapay ng Diyos ay siya na bumabang mula sa
          langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.
             34 Kanila ngang sinabi sa kaniya: Panginoon, bigyan mo kami ng
          tinapay na ito.
             35 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ang tinapay ng buhay. Siya
          na lumalapit sa akin ay hinding-hindi na magugutom. Siya na
          sumasampalataya sa akin ay hinding-hindi na mauuhaw kailanman.
          36 Sinabi ko sa inyo, na nakita rin ninyo ako at hindi kayo
          sumampalataya. 37 Ang lahat ng ibinigay sa akin ng Ama ay lalapit
          sa akin. Siya na lalapit sa akin ay hinding-hindi ko itataboy.
          38 Ang dahilan ay ito: Ako ay bumaba mula sa langit hindi upang
          gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban niya na nagsugo
          sa akin.  39 Ito ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin: Wala
          akong iwawaglit sa lahat nang ibinigay niya sa akin ngunit
          ibabangon siya sa huling araw.  40 Ito ang kalooban niya na
          nagsugo sa akin: Ang bawat isa na nakakikita sa Anak at
          sumasampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang
          hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw.
             41 Ang mga Judio nga ay nagbulung-bulungan tungkol sa kaniya
          dahil sinabi niyang, Ako ang tinapay na bumabang mula sa langit.
          42 Sinabi nila: Ito si Jesus na anak ni Jose, hindi ba? Kilala
          natin ang kaniyang ama at ina, hindi ba? Papaano nga niya
          masasabing, Ako ay bumabang mula sa langit?
             43 Tumugon nga si Jesus at sinabi sa kanila: Huwag kayong
          magbulung- bulungan.  44 Walang taong makalalapit sa akin
          malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin at ibabangon ko
          siya sa huling araw.  45 Nasusulat sa aklat ng mga propeta: At
          silang lahat ay tuturuan ng Diyos. Ang bawat isa nga na nakarinig
          sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin.  46 Hindi sa nakita ng
          sinuman ang Ama. Ang tanging nakakita sa Ama ay siya na mula sa
          Diyos.  47 Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, siya na
          sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan.  48 Ako
          ang tinapay ng buhay.  49 Ang inyong mga magulang na mga patay
          na, ay kumain ng mana sa ilang.  50 Ito ang tinapay na bumabang
          mula sa langit. Maaaring kumain nito ang sinuman at hindi
          mamamatay.  51 Ako ang tinapay na buhay na bumabang mula sa
          langit.  Ang sinumang makakain ng tinapay na ito ay mabubuhay
          magpakailanman. Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman.
          Ito ang aking ibibigay para sa buhay ng sanlibutan.
             52 Nagtalo-talo nga ang mga Judio. Kanilang sinabi: Papaano
          niya maibibigay sa atin ang kaniyang laman upang kainin?
             53 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Totoong-totoong sinasabi ko
          sa inyo, malibang kayo ay makakain ng laman ng Anak ng tao at
          makainom ng kaniyang dugo ay wala kayong buhay.  54 Siya na
          kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na
          walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw.  55 Ang aking
          laman ay tunay na pagkain at tunay na ang aking dugo ay inumin.
          56 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay
          nananatili sa akin. Ako naman ay sumasa kaniya.  57 Ang buhay na
          Ama ang nagsugo sa akin at ako ay nabubuhay dahil sa Ama. Gayon
          din ang kumakain sa akin. Siya ay mabubuhay dahil sa akin.
          58 Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Hindi ito tulad
          nang ang inyong mga ninuno ay kumain ng mana at ngayon ay mga
          patay na. Siya na kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay
          magpakailanman.  59 Sinabi niya ang mga bagay na ito nang siya ay
          nagtuturo sa bahay-sambahan sa Capernaum.

          Maraming mga Alagad ang Tumalikod kay Jesus

             60 Marami nga sa kaniyang mga alagad na nang marinig ito ay
          nagsabi:  Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang makauunawa nito?
             61 Nalalaman ni Jesus sa sarili niya na nagbubulung-bulungan
          ang kaniyang mga alagad tungkol dito. Sinabi niya sa kanila:
          Nakakatisod ba ang sinabi ko sa inyo?  62 Gaano pa kaya kung
          makita ninyo ang Anak ng  Tao na pumapaitaas
          sa dati niyang kinaroroonan?  63 Ang Espiritu ang siyang
          bumubuhay. Walang napapakinabangan ang laman. Ang mga salitang
          sinasabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.  64 Mayroong ilan sa
          inyo na hindi sumasampalataya. Alam ni Jesus nang simula pa kung
          sino sila na hindi  sasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa
          kaniya.  65 Sinabi niya:  Kaya nga sinabi ko sa inyo, walang
          sinumang makalalapit sa akin malibang loobin ito ng aking Ama.
             66 Mula noon marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik at
          hindi na sumama sa kaniya.
             67 Kayat sinabi ni Jesus sa labindalawa: Nais din ba ninyong
          umalis?
             68 Sinagot siya ni Simon Pedro: Panginoon, kanino kami
          pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng walang hanggang buhay.
          69 Kami ay sumampalataya at nalaman namin na ikaw ang Kristo, ang
          Anak ng buhay na Diyos.
             70 Sinagot sila ni Jesus: Pinili ko kayong labindalawa at isa
          sa inyo ay diyablo, hindi ba?  71 Ang tinutukoy niya ay si Judas
          na taga-Keriot, anak ni Simon. Siya ang magkakanulo sa kaniya.
          Siya ay isa sa labindalawa.

          Nagpunta si Jesus sa Pista ng mga Kubol

          7  Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay naglibot
             sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil pinagta-
          tangkaan siyang patayin ng mga  Judio.  2 Ang kapistahan ng mga
          kubol ng mga Judio ay malapit na.  3 Kaya nga, sinabi sa kaniya
          ng mga kapatid niyang lalaki: Umalis ka rito. Pumunta ka sa Judea
          nang makita rin ng mga alagad mo ang mga gawang ginagawa mo.
          4 Ang isang tao na nagnanais na makilala ng madla ay hindi
          gumagawa ng anuman ng palihim. Kung ginagawa mo ang mga bagay na
          ito, ipakita mo ang iyong sarili sa sanlibutan.  5 Maging ang mga
          kapatid niyang lalaki ay hindi sumasampalataya sa kaniya.
             6 Kaya nga sinabi ni Jesus sa kanila: Ang aking oras ay hindi
          pa dumarating ngunit ang inyong oras ay laging handa.  7 Hindi
          magagawa ng sanlibutan na kapootan kayo ngunit ito
          ay napopoot sa akin dahil nagpatotoo ako tungkol dito. Nagpatotoo
          ako na ang mga gawa nito ay masama.  8 Umahon  kayo sa
          kapistahang ito. Hindi pa ako aahon sa kapistahang ito dahil ang
          aking oras ay hindi pa nagaganap.  9 Pagkasabi niya sa kanila ng
          mga bagay na ito, nanatili siya sa Galilea.
             10 Pagkaahon ng mga kapatid niyang lalaki ay umahon din siya
          sa kapistahan. Umahon siya ng hindi hayag kundi parang palihim.
          11 Inabangan nga siya ng mga Judio sa kapistahan at nagtanong:
          Nasaan siya?
             12 Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan sa mga tao tungkol sa
          kaniya. Sabi ng iba, siya ay mabuti.
             Sabi ng iba, hindi, kaniyang dinadaya ang mga tao.
          13 Magkagayon man, walang nagsalita ng hayag tungkol sa kaniya
          dahil sa takot sa mga Judio.

          Nangaral si Jesus sa Pista

             14 Nang nasa kalagitnaan na ang kapistahan ay umahon si Jesus
          sa templo at nagturo.  15 Namamangha ang mga Judio na nagsasabi:
          Papaanong nagkaroon ng kaalaman ang taong ito gayong hindi naman
          siya nag-aral?
             16 Sinagot sila ni Jesus at sinabi: Ang aking turo ay hindi sa
          akin kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.  17 Kung ang sinuman ay
          maghahangad na gumawa ng kalooban ng Diyos ay malalaman niya ang
          tungkol sa turo. Malalaman niya kung ito ay mula sa Diyos o ako
          ay nagsasalita mula sa aking sarili.  18 Siya na nagsasalita mula
          sa kaniyang sarili ay naghahangad ng kaniyang sariling
          kaluwalhatian. Siya na naghahangad ng kaluwalhatian ng nagsugo sa
          kaniya ay totoo. Sa kaniya ay walang kalikuan.  19 Binigyan kayo
          ni Moises ng kautusan, hindi ba? Gayunman, walang nagsasagawa isa
          man sa inyo ng kautusan? Bakit hinahangad ninyo akong patayin?
             20 Sumagot ang mga tao at sinabi: Ikaw ay mayroong demonyo.
          Sino ang naghahangad na pumatay sa iyo?
             21 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Isang gawa ang aking
          ginawa at kayong lahat ay namangha.  22 Kaya nga binigyan kayo ni
          Moises ng pagtutuli, bagamat hindi ito mula kay  Moises kundi sa
          mga ninuno. Sa araw ng sabat ay tinutuli ninyo ang isang lalaki.
          23 Sa araw ng sabat ay  nagtutuli kayo ng isang lalaki upang
          huwag lumabag sa kautusan ni Moises. Ano at nagagalit kayo sa
          akin dahil pinagaling ko ang isang lalaki sa araw  ng sabat?
          24 Huwag kayong humatol ayon sa nakikita. Humatol kayo ng matuwid
          na paghatol.

          Si Jesus Ba Ang Kristo?

             25 Sinabi nga ng ilan sa mga taga-Jerusalem: Hindi ba siya ang
          kanilang pinagtatangkaang patayin?  26 Narito, siya ay hayagang
          nagsasalita at wala silang sinasabi sa kaniya. Talaga kayang
          kinikilala ng  mga namumuno na ito nga ang Kristo?  27 Alam natin
          kung saan nagmula ang taong ito. Kapag dumating ang Kristo ay
          walang nakaaalam kung saan siya nagmula.
             28 Sa malakas na tinig nga ay nagtuturo si Jesus sa templo.
          Kaniyang sinabi: Kilala ninyo ako at alam ninyo ang aking
          pinagmulan. Hindi ako naparito nang sa sarili ko lamang. Siya na
          nagsugo sa akin ay totoo. Hindi ninyo siya kilala.  29 Kilala ko
          siya dahil ako ay mula sa kaniya at ako ay isinugo niya.
             30 Tinatangka nga nilang dakpin siya ngunit walang humuli sa
          kaniya.  Ito ay dahil hindi pa dumarating ang kaniyang oras.
          31 Marami sa mga tao ang sumampalataya sa kaniya. Kanilang
          sinabi: Kapag dumating ang Kristo, gagawa ba siya ng higit na
          maraming tanda?  Mas marami pa kaya kaysa sa ginawa ng lalaking
          ito?
             32 Nang nag-usap-usap ang mga tao tungkol sa kaniya, narinig
          ito ng mga Pariseo. Ang mga Pariseo at ang mga punong-pari ay
          nagsugo ng kanilang mga tauhan upang dakpin siya.
             33 Kayat sinabi ni Jesus sa kanila: Makakasama pa ninyo ako
          nang maikling panahon. Pagkatapos, ako ay pupunta sa nagsugo sa
          akin.  34 Hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan.
          Hindi kayo makapupunta sa kinaroroonan ko.
             35 Ang mga Judio nga ay nag-usap-usap: Saan ba siya pupunta na
          hindi natin siya matatagpuan? Siya ba ay pupunta sa mga Judio na
          kumalat sa mga Griyego at tuturuan ang mga Griyego?  36 Ano ang
          salitang ito na sinabi niyang, hahanapin ninyo ako at hindi ninyo
          ako matatagpuan. Hindi kayo makapupunta sa kinaroroonan ko.
             37 Sa huli at dakilang araw ng kapistahan, tumayo si Jesus. Sa
          malakas na tinig siya ay nagsabi: Kung ang sinuman ay nauuhaw,
          hayaan siyang lumapit sa akin at uminom.  38 Mangyayari sa
          sumasampalataya sa akin ang gaya ng sinabi ng kasulatan.
          Magkakaroon siya ng ilog ng tubig na  buhay. Ito ay aagos mula sa
          loob niya.  39 Sinabi niya ito patungkol sa Espiritu na
          tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kaniya. Hindi pa naibibigay
          ang Banal na Espiritu dahil hindi pa naluluwalhati si Jesus.
             40 Marami nga sa mga tao, nang marinig ang pananalitang ito ay
          nagsabi: Ito na nga ang propeta.
             41 Ang iba ay nagsabi: Ito ang Kristo. Ang iba naman ay
          nagsabi:  Kung gayon, manggagaling ang Kristo sa Galilea?
          42 Hindi ba sinabi ng kasulatan na ang Kristo ay magmumula sa
          binhi ni David? Hindi ba siya ay magmumula sa bayan ng Bethlehem
          na siyang kinaroonan ni David?  43 Nagkaroon nga ng pagkakabaha-
          bahagi ang mga tao dahil kay Jesus.  44 Ang iba ay nagtangkang
          dakpin siya ngunit walang humuli sa kaniya.

          Ang Di-pagsampalataya ng mga Tagapanguna ng mga Judio

             45 Ang mga tauhan ay pumunta sa mga punong-pari at mga
          Pariseo. Sinabi nila sa kanila:  Bakit hindi ninyo siya dinala?
             46 Sumagot ang mga tauhan: Walang taong nakapagsalita tulad ng
          taong ito.
             47 Sinagot nga sila ng mga Pariseo: Nadaya rin ba kayo?
          48 Mayroon ba sa mga pinuno o sa mga Pariseo na sumampalataya sa
          kaniya?  49 Ang mga taong ito na hindi nakaaalam ng kautusan ay
          mga isinumpa.
             50 Si Nicodemo, na nagpunta kay Jesus nang gabi, ay kasama
          nila. Sinabi niya sa kanila:  51 Ang ating kautusan ay hindi
          humahatol sa isang tao kung hindi muna siya naririnig nito o
          hindi muna inaalam ang kaniyang ginagawa, hindi ba?
             52 Sumagot sila at sinabi sa kaniya: Ikaw ba ay taga-Galilea
          rin?  Saliksikin mo at tingnan sapagkat walang propetang nagbuhat
          sa Galilea.
             53 Ang bawat  isa ay umuwi sa kani-kaniyang tahanan.

          8  Si Jesus ay nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.  2 Sa
             pagbubukang-liwayway, siya ay nagpuntang  muli sa templo. Ang
          lahat ng mga tao ay lumapit sa kaniya. Siya ay umupo at tinuruan
          sila.  3 Dinala sa kaniya ng mga guro ng kautusan at ng mga
          Pariseo ang isang babae na nahuling nangangalunya. Inilagay nila
          siya sa kalagitnaan.  4 Sinabi nila sa kaniya: Guro, ang babaing
          ito ay nahuli sa paggawa ng pangangalunya.  5 Iniutos sa amin ni
          Moises sa kautusan, na batuhin ang katulad nito. Ano  ang
          masasabi mo?  6 Ito ay kanilang sinabi upang subukin siya nang
          mayroon silang maisakdal laban sa kaniya.
             Yumukod si Jesus, sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang
          daliri.  7 Sa patuloy nilang pagtatanong sa kaniya ay tumuwid
          siya. Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang walang kasalanan sa
          inyo ang siyang maunang bumato sa kaniya.  8 Siya ay muling
          yumukod at sumulat sa lupa.  9 Sila na nakarinig nito ay
          sinumbatan ng kanilang mga budhi. Dahil dito, sila ay isa-isang
          lumabas, simula sa matatanda hanggang sa kahuli-hulihan. Naiwan
          si Jesus gayon din ang babae na nakatayo sa kalagitnaan.  10 Nang
          tumuwid si Jesus ay wala siyang nakita maliban sa babae. Sinabi
          ni Jesus sa kaniya:  Ginang, nasaan ang mga nagsasakdal sa iyo?
          Wala bang humatol sa iyo?
             11 Sinabi niya: Wala, Ginoo. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kahit
          ako man ay hindi hahatol sa iyo. Humayo ka at huwag nang
          magkasala.

          Ang Katunayan ng Patotoo ni Jesus

             12 Nang magkagayon, nagsalitang muli si Jesus sa kanila.
          Sinabi niya:  Ako ang ilaw ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa
          akin ay hinding-hindi lalakad sa kadiliman. Siya ay magkakaroon
          ng ilaw ng buhay.
             13 Sinabi nga ng mga Pariseo sa kaniya: Nagpapatotoo ka sa
          iyong sarili. Ang iyong patotoo ay hindi totoo.
             14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Bagamat ako ang
          nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko naman ay totoo. Ito
          ay dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako
          pupunta. Hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan
          ako pupunta.  15 Humahatol kayo ayon sa laman.  Wala akong
          hinahatulang sinuman.  16 Ngayong humahatol ako, ang aking hatol
          ay totoo dahil ako ay hindi nag-iisa. Kasama ko ang aking Ama na
          nagsugo sa akin.  17 Nasusulat din sa inyong kautusan, na ang
          patotoo ng  dalawang tao ay totoo.  18 Ako ang isang nagpapatotoo
          sa aking sarili at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo
          tungkol sa akin.
             19 Sinabi nga nila sa kaniya: Nasaan ang iyong Ama?
             Sumagot si Jesus: Hindi ninyo ako nakikilala, ni ang aking
          Ama. Kung  nakikilala ninyo ako ay nakikilala rin ninyo ang aking
          Ama.  20 Ang mga salitang ito ay sinabi ni Jesus nang siya ay
          nagtuturo sa templo. Sila ay nasa silid na pinaglalagyan ng mga
          kaloob. Walang taong dumakip sa kaniya sapagkat hindi pa
          dumarating ang kaniyang oras.
             21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ay aalis at hahanapin
          ninyo ako. Kayo ay mamamatay sa inyong mga kasalanan. Hindi kayo
          makapupunta sa aking pupuntahan.
             22 Sinabi nga ng mga Judio: Magpapakamatay ba siya kaya niya
          sinabing, sa aking pupuntahan ay hindi kayo makapupunta?
             23 Sinabi niya sa kanila: Kayo ay mga taga-ibaba, ako ay taga-
          itaas.  Kayo ay  mga  taga-sanlibutang ito, ako ay hindi taga-
          sanlibutan.  24 Sinasabi ko nga sa inyo na kayo ay mamamatay sa
          inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo sumasampalataya na ako nga
          iyon, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.
             25 Sinabi nga nila sa kaniya:  Sino ka ba? Sinabi ni Jesus sa
          kanila: Ako iyong sinabi ko sa inyo nang pasimula pa.  26 Marami
          akong mga bagay na sasabihin at ihahatol sa inyo. Siya na nagsugo
          sa akin ay totoo. Kung ano ang narinig ko mula sa kaniya ay
          sinasabi ko sa sanlibutan.
             27 Hindi nila naunawaan na ang sinabi niya sa kanila ay
          tungkol sa Ama.  28 Sinabi nga ni Jesus sa kanila:  Kapag naitaas
          na ninyo ang Anak ng tao ay saka ninyo makikilala na ako nga
          siya. Malalaman ninyo na wala akong ginagawa ng sarili ko. Kung
          papaano itinuro sa akin ng Ama ay sinasabi ko ang mga bagay na
          ito.  29 Siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi ako iniwang
          mag-isa ng Ama sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na
          nakalulugod sa kaniya.  30 Nang sinabi niya ang mga bagay na ito,
          maraming sumampalataya sa kaniya.

          Ang mga Anak ni Abraham

             31 Sinabi nga ni Jesus sa mga Judio na sumampalataya sa
          kaniya: Kung mananatili kayo sa aking salita, tunay na kayo ay
          aking mga alagad.  32 Malalaman ninyo ang katotohanan at ang
          katotohanan ang magpapalaya sa inyo.
             33 Sila ay sumagot sa kaniya: Kami ay binhi ni Abraham at
          kailanman ay hindi naging alipin ninuman. Papaano mo nasabi na
          kami ay magiging malaya?
             34 Sumagot si Jesus sa kanila: Totoong-totoong sinasabi ko sa
          inyo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan.  35 Ang
          alipin ay hindi nananatili sa bahay magpakailanman. Ang anak ay
          nananatili magpakailanman.  36 Kung palalayain nga kayo ng anak,
          tunay na kayo ay magiging malaya.  37 Nalalaman ko na kayo ay
          binhi ni Abraham ngunit pinagtatangkaan ninyo akong patayin. Ito
          ay dahil ang aking salita ay walang puwang sa inyo.  38 Sinasabi
          ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama. Ginagawa naman
          ninyo ang mga bagay na nakita ninyo sa inyong ama.
             39 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Si Abraham ang aming
          ama.  Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung kayo ay mga anak ni
          Abraham, gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.  40 Ako ngayon ay
          pinagtatangkaan ninyong patayin.  Ako ang taong nagsabi sa inyo
          ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Ito ay hindi ginawa ni
          Abraham.  41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama. Sinabi
          nga nila sa kaniya: Kami ay hindi ipinanganak sa pakikiapid. Kami
          ay mayroong isang ama, ang Diyos.

          Ang mga Anak ng Diyablo

             42 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Kung ang Diyos ang inyong
          Ama, iibigin ninyo ako. Ako ay nagmula at dumating mula sa Diyos.
          Hindi ako naparito sa aking sarili kundi sinugo niya ako.
          43 Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking pananalita? Ang dahilan
          ay hindi kayo makarinig  ng aking salita.  44 Kayo ay sa inyong
          ama, ang diyablo. Ang mga nasa ng inyong ama ang nais ninyong
          gawin. Siya ay mamamatay-tao buhat pa nang una.  Siya ay hindi
          nananatili sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kaniya.
          Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita
          sa ganang kaniya. Siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan.
          45 Dahil nagsasabi ako sa inyo ng katotohanan, hindi kayo
          sumasampa-lataya sa akin. 46 Sino sa inyo ang susumbat sa akin
          tungkol sa kasalanan?  Kung ako ay nagsasabi ng katotohanan,
          bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin? 47 Siya na nasa Diyos
          ay
          nakikinig ng mga salita ng Diyos. Kaya nga hindi kayo nakikinig
          ay sapagkat hindi kayo sa Diyos.

          Ang mga Pahayag ni Jesus Tungkol sa Kaniyang Sarili

             48 Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya:
          Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay taga-Samaria at
          mayroong demonyo?
             49 Sumagot si Jesus: Wala akong demonyo. Pinararangalan ko ang
          aking Ama at sinisira naman ninyo ang aking karanga-lan.
          50 Hindi ko hinahangad ang aking karangalan. May isang
          naghahangad nito at humahatol. 51 Totoong-totoong sinasabi ko sa
          inyo, kung ang sino man ay tutupad ng aking salita ay hinding-
          hindi makararanas ng kamatayan magpakailanman.
             52 Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Alam na namin ngayon na
          mayroon kang demonyo. Si Abraham at ang mga propeta ay namatay.
          Sinasabi mo na kung ang sinuman ay tutupad ng iyong salita ay
          hindi makararanas ng kamatayan.  53 Higit ka bang dakila kaysa
          aming amang si Abraham?
          Siya ay namatay na  gayon din ang mga propeta. Ano ba ang palagay
          mo sa iyong sarili?
             54 Sumagot si Jesus: Kung pinararangalan ko ang aking sarili,
          ang aking karangalan ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang
          siyang nagpaparangal sa akin. Siya ang sinasabi ninyong inyong
          Diyos.  55 Hindi ninyo siya kilala ngunit  kilala ko siya. Kung
          sasabihin kong hindi ko siya kilala ay magiging sinungaling ako
          na tulad ninyo. Kilala ko siya at tinutupad ko ang kaniyang
          salita.  56 Ang inyong amang si Abraham ay nagalak na makita ang
          aking araw. Nakita niya ito at siya ay natuwa.
             57 Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala ka pang limampung
          taong gulang at nakita mo na si Abraham?  58 Sinabi ni Jesus sa
          kanila: Totoong- totoong sinasabi ko sa inyo, bago pa si Abraham
          ay ako na.  59 Dumampot nga sila ng mga bato upang siya ay
          batuhin ngunit si Jesus ay nagtago. Sa paglabas niya sa templo ay
          dumaan siya sa kalagitnaan nila. Nagpatuloy na siya sa paglakad.

          Pinagaling ni Jesus ang Isang Taong Ipinanganak na Bulag

          9  Sa paglalakad ni Jesus ay nakita niya ang isang lalaking
             ipinanganak na bulag. 2 Itinanong sa kaniya ng kaniyang mga
          alagad: Guro, sino ang nagkasala upang ang lalaking ito ay
          ipanganak na bulag? Siya ba o ang kaniyang mga magulang?
             3 Sumagot si Jesus: Hindi ang lalaking ito o ang kaniyang mga
          magulang ang nagkasala. Ito ay nangyari upang ang mga gawa ng
          Diyos ay mahayag sa kaniya.  4 Kinakailangang gawin ko ang mga
          gawa niya na nagsugo sa akin habang araw pa. Dumarating ang gabi
          at wala ng taong makagagawa.  5 Habang ako ay nasa sanlibutan,
          ako ang ilaw ng sanlibutan.
             6 Pagkasabi niya nito ay lumura siya sa lupa. Gumawa siya ng
          putik mula sa laway. Kaniyang ipinahid sa mga mata ng bulag ang
          putik.  7 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pumunta ka sa dakong-
          paliguan ng Siloe at maghugas ka.   Ang ibig sabihin ng salitang
          Siloe ay sinugo. Siya nga ay pumunta at naghugas at bumalik  na
          nakakakita na.
             8 Nakita ng mga kapitbahay at ng ibang mga tao ang lalaking
          dating bulag. Kaya nga sinabi nila: Ito iyong nakaupo at
          namamalimos, hindi ba?  9 Sinabi ng iba: Siya iyon.
             Ang sabi naman ng iba:  Siya ay kamukha niya.
             Sinabi niya:  Ako na nga iyon.
             10 Sinabi nga nila sa kaniya: Papaano namulat ang iyong mga
          mata?
             11 Sumagot siya at sinabi: Ang lalaking tinatawag na Jesus ay
          gumawa ng luwad at ipinahid iyon sa aking mga mata. Sinabi niya
          sa akin, Pumunta ka sa lawa ng Siloe at maghugas. Ako ay nagpunta
          at naghugas at nakakita.
             12 Sinabi nga nila sa kaniya: Nasaan siya?
             Sinabi niya: Hindi ko alam.

          Siniyasat ng mga Pariseo ang Pagpapagaling

             13 Dinala nila sa mga Pariseo ang lalaki na dating bulag.
          14 Araw ng sabat noon nang si Jesus ay gumawa ng luwad at
          iminulat ang mga mata ng lalaking bulag.  15 Ang mga Pariseo rin
          naman ay muling nagtanong sa kaniya kung papaano siya nakakita.
          Sinabi niya sa kanila: Nilagyan niya ng luwad ang aking mga mata
          at ako ay naghugas at nakakita na ako.
             16 Sinabi nga ng ilan sa mga Pariseo: Hindi galing sa Diyos
          ang lalaking ito sapagkat hindi niya tinutupad ang araw ng sabat.
             Sinabi naman ng iba: Papaano makagagawa ng mga ganitong tanda
          ang isang lalaking makasalanan? Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi
          sa kanila.
             17 Muli nilang sinabi sa lalaking dating bulag: Sapagkat
          iminulat niya ang iyong mga mata, ano ang masasabi mo tungkol sa
          kaniya?
             Sinabi ng lalaki: Siya ay isang propeta.
             18 Hindi pinaniwalaan ng mga Judio ang tungkol sa lalaki na
          siya ay dating bulag at nakakita. Hindi sila naniwala hanggang
          tawagin nila ang mga magulang niya.  19 Tinanong nila sila: Siya
          ba ang inyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag?
          Papaanong nakakakita siya ngayon?
             20 Ang kaniyang mga magulang ay sumagot sa kanila at nagsabi:
          Alam namin na siya ang aming anak at siya ay ipinanganak na
          bulag. 21 Hindi namin alam kung papaanong nakakakita na siya
          ngayon. Hindi namin alam kung sino ang nagmulat ng kaniyang mga
          mata. Siya ay nasa hustong gulang na kaya tanungin ninyo siya.
          Makapagsasalita siya tungkol sa kaniyang sarili.  22 Ang mga
          salitang ito ay sinabi ng kaniyang mga magulang dahil natatakot
          sila sa mga Judio. Ito ay dahil napagkaisahan na ng mga Judio na
          kung ang sinuman ay magpahayag na si Jesus ang Kristo siya ay
          ititiwalag sa bahay- sambahan.  23 Dahil dito, sinabi ng kaniyang
          mga magulang: Siya ay nasa hustong gulang na, tanungin ninyo
          siya.
             24 Tinawag nilang muli ang lalaki na dating bulag. Sinabi
          nila:  Ibigay mo ang papuri sa Diyos. Alam namin na ang lalaking
          ito ay isang makasalanan.
             25 Sumagot siya at nagsabi: Hindi ko alam kung siya ay
          makasalanan.  Isang bagay ang alam ko, ako ay dating bulag na
          ngayon ay nakakakita na.
             26 Sinabi nilang muli sa kaniya: Ano ang ginawa niya sa iyo?
          Papaano niya iminulat ang iyong mga mata?
             27 Sinagot niya sila: Sinabi ko na sa inyo at hindi ninyo
          pinakinggan. Bakit ibig ninyong marinig muli? Nais din ba ninyong
          maging mga alagad niya?
             28 Siya nga ay kanilang nilait na sinabi:  Ikaw ang kaniyang
          alagad.  Kami ay mga alagad ni Moises.  29 Alam namin na ang
          Diyos ay nagsalita kay Moises. Tungkol sa lalaking ito hindi
          namin alam kung saan siya nanggaling.
             30 Sumagot ang lalaki at sinabi sa kanila: Tunay na ito
          ay kamangha-manghang bagay. Hindi ninyo alam kung saan siya
          nanggaling. Gayunman ay iminulat niya ang aking mga mata.
          31 Alam natin na hindi dinirinig ng Diyos ang mga maka-salanan.
          Kung ang sinuman ay may pagkatakot sa Diyos at ginagawa ang
          kaniyang kalooban, siya ang dinirinig ng Diyos.  32 Kailanman ay
          hindi narinig na may sinumang nakapagpa-mulat ng mga mata ng
          isang ipinanganak na bulag.  33 Kung ang lalaking ito ay hindi sa
          Diyos, wala siyang magagawang anuman.
             34 Sumagot sila at sinabi sa kaniya: Ikaw ay ipinanganak na
          lubos na makasalanan at tuturuan mo kami?  Itinaboy nila siya.

          Pagkabulag na Espirituwal

             35 Narinig ni Jesus na itinaboy nila siya. Nang matagpuan ni
          Jesus ang lalaking dati ay bulag sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba
          ay sumasampalataya sa Anak ng Diyos?
             36 Sumagot siya at sinabi: Sino siya Panginoon, upang ako ay
          sumampalataya sa kaniya?
             37 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Nakita mo na siya at siya ang
          nakikipag-usap sa iyo.
             38 Sinabi niya: Panginoon, sumasampalataya ako. Sinamba niya
          si Jesus.
             39 Sinabi ni Jesus: Ako ay naparito sa sanlibutang ito para sa
          paghatol. Ito ay upang sila na hindi nakakakita ay makakita. Sila
          namang nakakakita ay maging mga bulag.  40 Ang mga bagay na ito
          ay narinig ng mga maka-Pariseo na kasama nila. Kanilang sinabi sa
          kaniya: Kami ba ay mga bulag din?
             41 Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung kayo ay mga bulag ay wala
          sana kayong pagkakasala. Ngunit ngayon sinasabi ninyo, nakakakita
          kami, samakatuwid, ang inyong kasalanan ay nananatili laban sa
          inyo.

          Ang Pastol at ang Kaniyang Kawan

          10   Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo: Siya na pumapa-
               sok na hindi dumadaan sa pinto ng kulungan ng mga tupa ay
          magnanakaw  at mandarambong. Siya ay umaakyat sa ibang daan.
          2 Ang pumapasok na dumadaan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa.
          3 Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto. Dinirinig ng mga tupa ang
          kaniyang tinig. Tinatawag niya ang kaniyang mga sariling  tupa sa
          kani-kanilang pangalan. Inaakay niya sila sa paglabas.  4 Kapag
          nailabas na niya ang sarili niyang mga tupa ay nauuna siya sa
          kanila. Ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya sapagkat kilala nila
          ang kaniyang tinig.  5 Hinding-hindi nila susundin ang di-
          kilalang tao kundi lalayuan siya sapagkat hindi nila kilala ang
          tinig ng mga di-kilalang tao.  6 Ang paghahambing na ito ay
          sinabi ni Jesus sa kanila. Hindi nila naunawaan ang sinabi niya
          sa kanila.
             7 Muli ngang sinabi ni Jesus sa kanila: Totoong-totoong
          sinasabi ko sa inyo, na ako ang pinto ng mga tupa.  8 Ang lahat
          ng sinumang naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga
          mandarambong. Hindi sila dininig ng mga tupa.  9 Ako ang pinto.
          Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay
          papasok at lalabas at makasusumpong ng pastulan.  10 Ang
          magnanakaw ay hindi pumaparito malibang siya ay magnakaw,
          makamatay at makapaminsala. Ako ay naparito upang sila ay
          magkaroon ng buhay at magkaroon ng lubos na kasaganaan nito.
             11 Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang
          kaniyang buhay para sa mga tupa.  12 Kapag nakikita ng upahang-
          lingkod na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at
          tumatakbong palayo. Ginagawa niya ito sapagkat hindi siya ang
          pastol at sila ay hindi sa kaniya. Pagkatapos, ang mga tupa ay
          sinisila ng lobo at kinakalat.  13 Ang upahang-lingkod ay
          tumatakbong palayo sapagkat  siya ay upahang-lingkod at  wala
          siyang pagmamalasakit sa mga tupa.
             14 Ako ang mabuting pastol kilala ko ang mga akin at kilala
          ako ng mga akin.  15 Kung papaanong nakikilala ako ng Ama ay
          ganoon din naman nakikilala ko ang Ama. Iniaalay ko ang aking
          buhay para sa mga tupa.  16 Mayroon akong ibang mga tupa na hindi
          sa kawang ito. Sila rin ay dapat kong dalhin at diringgin nila
          ang aking tinig. Magkakaroon ng isang kawan at ng  isang pastol.
          17 Dahil dito, iniibig ako ng Ama sapagkat iniaalay ko ang aking
          buhay upang ito ay makuha kong muli.  18 Walang taong makaaagaw
          nito sa akin kundi kusa ko itong iniaalay. Mayroon akong
          kapangyarihang ialay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin
          itong muli. Ang kautusang ito ay tinanggap ko mula sa aking Ama.
             19 Nagkaroon ngang muli ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio
          dahil sa mga pananalitang ito.  20 Marami sa kanila ang nagsabi:
          Siya ay may demonyo at nahihibang. Bakit kayo nakikinig sa
          kaniya?
             21 Sinabi ng iba: Hindi ito mga pananalita ng isang inaalihan
          ng demonyo. Makapagpapamulat ba ng mata ng bulag ang demonyo?

          Ang Hindi Pagsampalataya ng mga Judio

             22 Naganap sa Jerusalem ang kapistahan ng pagtatalaga. Noon ay
          taglamig.  23 Si Jesus ay naglalakad sa templo sa koridor ni
          Solomon.  24 Pinalibutan nga siya ng mga Judio. Sinabi nila sa
          kaniya: Hanggang kailan mo kami pag-aalinlanganin? Kung ikaw ang
          Kristo, sabihin mo sa amin nang tuwiran.
             25 Sinagot sila ni Jesus: Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi
          kayo sumampalataya. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng
          aking Ama ang siyang nagpapatotoo sa akin.  26 Hindi kayo
          sumasampalataya sapagkat  hindi kayo kabilang sa aking mga tupa
          gaya ng sinabi ko sa inyo.  27 Dinirinig ng aking mga tupa ang
          aking tinig. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin.
          28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Hinding-hindi
          sila malilipol kailanman. Walang sinumang makaaagaw sa kanila sa
          aking kamay.  29 Ibinigay sila sa akin ng aking Ama. Siya ay
          higit na dakila sa lahat. Walang makaaagaw sa kanila mula sa
          kamay ng aking Ama.  30 Ako at ang Ama ay iisa.
             31 Muli ngang dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya ay
          batuhin.  32 Sinabi sa kanila ni Jesus: Maraming mabubuting gawa
          ang ipinakita ko sa inyo mula sa aking Ama. Alin sa mga gawang
          iyon ang dahilan para batuhin ninyo ako?
             33 Sinagot siya ng mga Judio na sinasabi: Hindi ka namin
          binabato dahil sa anumang mabuting gawa kundi dahil sa
          pamumusong. Ito rin ay dahil ginagawa mo ang iyong sarili na
          Diyos, ikaw na isang tao.
             34 Tinugon sila ni Jesus: Hindi ba nasusulat sa inyong
          kautusan, Aking sinabi na kayo ay mga diyos?  35 Tinawag niyang
          mga diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos. Ang
          kasulatan ay hindi masisira. 36 Sinasabi ninyo sa kaniya na
          pinabanal at isinugo ng Ama sa sanlibutan, ikaw ay namumusong.
          Ito ba ay dahil sinabi ko, ako ay anak ng Diyos?  37 Kung hindi
          ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag kayong sumampalataya
          sa akin.  38 Kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa
          akin, sampalatayanan ninyo ang mga gawa. Ito ay upang malaman
          ninyo at sumampalataya na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa
          kaniya.  39 Muli nga nilang pinagtangkaang dakpin siya ngunit
          hindi nila siya nahuli.
             40 Siya ay muling pumunta sa ibayo ng Jordan, sa dakong
          pinagbawtismuhan ni Juan noong una. Siya ay nanatili roon.
          41 Marami ang pumunta sa kaniya at sinabi: Tunay na si Juan ay
          hindi gumawa ng tanda. Ang lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan
          tungkol sa taong ito ay totoo.  42 Marami roon ang sumampalataya
          kay Jesus.

          Ang Pagkamatay ni Lazaro

          11   Mayroong isang lalaking maysakit na ang pangalan ay
               Lazaro. Siya ay taga-Betania na nayon nina Maria at ng
          kaniyang kapatid na si Marta.  2 Si Maria ang siyang nagpahid ng
          pabangong langis sa Panginoon. Pinunasan niya ng kaniyang buhok
          ang mga paa ng Panginoon. Siya ay kapatid ni Lazaro na maysakit.
          3 Ang mga kapatid na babae ni Lazaro ay nag-utos upang sabihin
          kay Jesus: Panginoon, tingnan mo, si Lazaro na iyong minamahal ay
          maysakit.
             4 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: Ang karamdamang ito
          ay hindi hahantong sa kamatayan kundi para sa kaluwalha-tian ng
          Diyos. Sa gayon ang Anak ng Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan
          nito.  5 Minamahal nga ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid
          na babae at si Lazaro.  6 Nang marinig nga niyang maysakit si
          Lazaro ay nanatili siya sa pook na kaniyang kinaroroonan. Siya ay
          nanatili roon ng dalawang araw.
             7 Kaya pagkatapos nito ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad:
          Pumunta tayong muli sa Judea.
             8 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya:  Guro, ngayon lang
          ay pinagtangkaan kang batuhin ng mga Judio.  Babalik ka na naman
          ba roon?
             9 Sumagot si Jesus:  Hindi ba may labindalawang oras sa
          maghapon? Ang sinumang naglalakad-lakad kung araw ay hindi
          natitisod dahil nakikita niya  ang liwanag sa sanlibutang ito.
          10 Ang sinumang naglalakad-lakad kung gabi ay natitisod dahil
          wala ang liwanag sa kaniya.
             11 Sinabi niya ang mga bagay na ito. Pagkatapos nito ay sinabi
          niya sa kanila: Ang ating kaibigang si Lazaro ay natutu-log.
          Pupunta ako upang gisingin siya.
             12 Sinabi nga ng kaniyang mga alagad: Panginoon, kung siya ay
          natutulog, gagaling siya.  13 Ang sinabi ni Jesus ay ang tungkol
          sa kaniyang kamatayan. Inakala nilang ang sinabi ni Jesus ay
          tungkol sa paghimlay sa pagtulog.
             14 Kaya nga tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila: Si Lazaro ay
          patay na.  15 Ako ay nagagalak alang-alang sa inyo na ako ay wala
          roon. Ito ay upang kayo ay sumampalataya, gayon pa man, puntahan
          natin siya.
             16 Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi nga sa kaniyang
          mga kapwa alagad: Pumunta rin tayo upang mamatay tayong kasama
          niya.

          Inaliw ni Jesus ang Magkapatid

             17 Pagdating nga ni Jesus ay nalaman niyang si Lazaro ay apat
          na araw nang nasa libingan.  18 Ang Betania ay malapit sa
          Jerusalem na may humigit-kumulang na tatlong kilometro ang layo.
          19 Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria. Sila ay
          naroroon upang aliwin sila tungkol sa kanilang kapatid.
          20 Pagkarinig ni Marta na si Jesus ay dumarating sinalubong niya
          siya. Si Maria ay nakaupo sa loob ng bahay.
             21 Sinabi nga ni Marta kay Jesus: Panginoon, kung naririto ka
          sana ay hindi namatay ang aking kapatid.  22 Alam ko na kahit
          ngayon anuman ang hingin mo sa Diyos, ito ay ibibigay sa iyo ng
          Diyos.
             23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang iyong kapatid ay muling
          babangon.
             24 Sinabi ni Marta sa kaniya: Alam ko na siya ay muling
          babangon sa pagkabuhay na mag-uli sa huling araw.
             25 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ang pagkabuhay na mag-uli at
          ang buhay. Siya na sumasampalataya sa akin bagamat
          siya ay mamamatay, siya ay mabubuhay.  26 Ang bawat isang
          nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hinding-hindi mamamatay
          kailanman. Sinasampalatayanan mo ba ito?
             27 Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Sumasampalata-ya ako
          na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na darating sa sanlibutan.
             28 Nang masabi na niya ito ay lumakad siya at tinawag ng
          palihim ang kaniyang kapatid na si Maria. Sinabi niya sa kaniya:
          Ang guro ay dumating at ipinatatawag ka.  29 Pagkarinig niya nito
          ay agad siyang tumindig at pumunta sa kaniya.  30 Si Jesus ay
          nasa labas pa ng nayon ng mga sandaling iyon. Siya ay nasa dakong
          pinagsalubungan sa kaniya ni Marta.  31 Sumunod kay Maria ang mga
          Judio na kasama niya sa bahay at umaaliw sa kaniya. Ito ay nang
          makita nga nila si Maria na dali-daling tumindig at lumabas.
          Kanilang sinabi: Siya ay pupunta sa libingan upang doon tumangis.
             32 Dumating nga si Maria sa kinaroroonan ni Jesus. Nang makita
          niya si Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. Sinabi niya sa
          kaniya: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang
          aking kapatid.  33 Nakita ni Jesus na siya at
          ang mga Judiong sumama sa kaniya ay tumatangis. Siya ay
          naghimutok sa espiritu at nabagbag.  34 Sinabi niya: Saan ninyo
          siya inilagay?
             Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.
             35 Si Jesus ay lumuha.
             36 Sinabi nga ng mga Judio: Tingnan ninyo kung gaano niya siya
          kamahal.  37 Sinabi ng ilan sa kanila: Ang taong ito ang nagmulat
          ng mga mata ng bulag. Hindi rin ba niya magawa na hindi mamatay
          ang taong ito?

          Ibinangon ni Jesus si Lazaro mula sa mga Patay

             38 Si Jesus na muling naghihimutok ang kalooban ay pumunta nga
          sa libingan. Ang libingan ay isang yungib na natatakpan ng bato.
          39 Sinabi ni Jesus: Alisin ninyo ang bato.
             Si Marta na kapatid ng namatay ay nagsabi sa kaniya:
          Panginoon, sa oras na ito ay mabaho na siya sapagkat apat na araw
          na siyang patay.

             40 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Hindi ba sinabi ko sa iyo na
          kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng
          Diyos?
             41 Inalis nga nila ang bato sa dakong pinaglagyan ng patay.
          Tumingala si Jesus at nagsabi: Ama, pinasasalamatan kita na ako
          ay dininig mo.  42 Alam ko na ako ay lagi mong dinirinig. Sinabi
          ko ito alang-alang sa mga taong nakatayo sa paligid. Ito ay upang
          sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.
             43 Nang masabi na niya ito, sumigaw siya ng may malakas na
          tinig: Lazaro, lumabas ka!  44 Lumabas ang patay. Ang kaniyang
          mga kamay at mga paa ay natatalian ng telang panli-bing. Ang
          kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo.
             Sinabi ni Jesus sa kanila: Kalagan ninyo siya at pabayaan
          siyang yumaon.

          Ang Balak na Pagpatay kay Jesus

             45 Marami nga sa mga Judio na pumunta kay Maria ang nakakita
          sa mga bagay na ginawa ni Jesus. Dahil dito, sila ay
          sumampalataya sa kaniya.  46 Ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga
          Pariseo. Sinabi nila sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.
          47 Ang mga punong pari nga at mga Pariseo ay nagtipon ng
          sangguniang lupon. Sinabi nila:
             Ano ang ating ginagawa? Ang taong ito ay gumagawa ng maraming
          himala.  48 Kung pababayaan lang natin siya, ang lahat ng tao ay
          sasampalataya sa kaniya. Kung magkagayon, ang mga taga-Roma ay
          darating at aagawin maging ang ating pook at bansa.
             49 Ang isa sa kanila ay si Caifas, ang pangulong pari nang
          taong iyon. Bilang pangulong pari ay sinabi niya sa kanila:
          Wala talaga kayong alam.  50 Hindi ninyo pinag-isipan na
          makabubuti sa atin na mamatay ang isang tao para sa mga tao. Kung
          magkagayon, ang buong bansa ay hindi malilipol.
             51 Hindi niya ito sinabi ng sarili niya. Bilang pangulong pari
          nang taong iyon, hinulaan niyang si Jesus ay mamamatay para sa
          bansang iyon.  52 Hindi lamang para sa bansang iyon kundi para
          rin sa mga anak ng Diyos na nangalat. Ito ay upang sila ay
          tipunin at pag-isahin.  53 Mula nga sa araw na iyon sila ay sama-
          samang nagsanggunian na siya ay patayin.
             54 Si Jesus nga ay hindi na lumakad ng hayag sa gitna ng mga
          Judio.  Siya ay nagtungo sa isang lalawigang malapit sa ilang, sa
          lunsod na tinatawag na Efraim. Nanatili siya roon kasama ang
          kaniyang mga alagad.
             55 Malapit na ang Paglagpas ng mga Judio. Bago ang Paglagpas,
          marami ang umahon sa Jerusalem mula sa lalawigan. Ang dahilan ay
          upang dalisayin ang kanilang mga sarili.  56 Pinagtatangkaan nga
          nila si Jesus. Sila ay nag-usap-usap sa kanilang mga sarili
          habang nakatayo sa templo. Sabi nila:  Ano ang inaakala ninyong
          dahilan upang hindi siya pumunta sa kapistahan?  57 Ang mga
          punong pari, maging ang mga Pariseo ay nagbigay ng utos. Sinabi
          nila na sinumang nakaaalam kung nasaan si Jesus ay magbigay-alam
          upang siya ay madakip nila.

          Si Jesus ay Pinahiran ng Langis sa Betania

          12   Anim na araw bago ang Paglagpas ay nagpunta si
               Jesus sa Betania. Ito ang kinaroonan ni Lazaro na namatay na
          kaniyang ibinangon mula sa mga patay.  2 Sila ay naghanda roon ng
          hapunan para sa kaniya. Si Marta ay naglingkod. Si Lazaro ay isa
          sa mga nakaupong kasalo niya sa mesa.  3 Si Maria ay kumuha ng
          isang libra ng dalisay na nardo. Ito ay mamahaling pabangong
          pamahid. Ipinahid niya ito sa mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng
          kaniyang buhok ang mga paa ni Jesus. Ang bahay ay napuno ng
          halimuyak ng pamahid.
             4 Si Judas na taga-Keriot, na anak ni Simon ay isa sa kaniyang
          mga alagad. Siya ang magkakanulo kay Jesus. Sinabi nga niya:
          5 Bakit hindi ipagbili ang pamahid na ito sa halagang tatlong
          daang denaryo at ibigay sa mga dukha?  6 Ito ay kaniyang sinabi
          hindi dahil siya ay nagmamalasakit sa mga  dukha kundi dahil siya
          ay isang magnanakaw. Nasa kaniya rin ang supot ng salapi at
          kinukuha niya ang inilalagay rito.
             7 Sinabi nga ni Jesus:  Hayaan ninyo si Maria. Inilalaan niya
          iyon para sa araw ng aking libing.  8 Ang mga dukha ay lagi
          ninyong kasama ngunit ako ay hindi.
             9 Maraming mga Judio ang nakaalam na siya ay naroon. Sila ay
          pumunta hindi lamang dahil kay Jesus. Sila ay pumunta upang
          makita rin si Lazaro na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay.
          10 Nagsanggunian ang mga punong pari upang patayin din si Lazaro.
          11 Ito ay dahil maraming mga Judio ang lumayo at sumampalataya
          kay Jesus dahil sa nangyari kay Lazaro.

          Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem

             12 Kinabukasan, maraming mga tao ang dumalo sa kapistahan.
          Narinig nila na darating si Jesus sa Jerusalem.  13 Nang marinig
          nila, sila ay kumuha ng mga palapa ng punong palma. Sila ay
          lumabas upang siya ay salubungin. Sumigaw sila ng: Hosana!
          Parangalan ang Hari ng Israel na dumarating sa pangalan ng
          Panginoon.
             14 Sinakyan ni Jesus ang isang batang asno na natagpuan niya.
          Ayon sa nasusulat:
             15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion! Tingnan mo, ang
          iyong hari ay dumarating, nakasakay sa isang bisirong asno.
             16 Sa simula ay hindi naunawaan ng kaniyang mga alagad ang mga
          bagay na ito. Nang naluwalhati na si Jesus, saka nila naalala na
          ang mga bagay na ito ay isinulat tungkol sa kaniya. Naalala rin
          nila na ang mga bagay na ito ay ginawa nila sa kaniya.
             17 Nagpatotoo nga ang maraming tao na nakasama niya nang
          kaniyang tawagin si Lazaro mula sa libingan at ibinangon  mula sa
          mga patay.  18 Dahil dito, sumalubong sa kaniya ang maraming tao.
          Ito ay dahil narinig nila na siya ay gumawa ng himalang ito.
          19 Sinabi nga ng mga Pariseo sa kanilang sarili: Nakikita ninyo
          na wala kayong nararating. Tingnan ninyo, sumusunod na sa kaniya
          ang sanlibutan.

          Ipinagpauna nang Sabihin ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

             20 Ang ilang mga Griyego ay umahong kasama noong mga pumaroon
          sa kapistahan upang sumamba.  21 Sila nga ay lumapit kay Felipe
          na taga- Betsaida ng Galilea. Hiniling nila sa kaniya na
          sinasabi: Ginoo, nais naming makita si Jesus.  22 Lumapit si
          Felipe at sinabi kay Andres. Sinabi naman nina Andres at Felipe
          kay Jesus.  23 Tinugon sila ni Jesus
          na sinasabi: Dumating na ang oras upang maluwalhati ang Anak ng
          Tao.  24 Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo na mananatiling mag-
          isa ang butil ng trigo malibang ito ay mahulog sa lupa at
          mamatay. Kung ito ay mamatay, mamumunga ito ng marami. Totoong-
          totoong sinasabi ko ito sa inyo.  25 Siya na umiibig sa kaniyang
          buhay ay mawawalan nito. Siya na napopoot sa kaniyang buhay dito
          sa sanlibutan ay makapagpapanatili nito hanggang sa buhay na
          walang hanggan.  26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin,
          hayaan siyang sumunod sa akin. Kung saan ako naroroon ay duroon
          din ang aking lingkod. Kung ang sinuman ay naglilingkod sa akin,
          siya ay pararangalan ng aking Ama.
             27 Ngayon ay nababalisa ang aking kaluluwa. Ano ang aking
          sasabihin? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito. Ito ang
          dahilan kung bakit ako naparito sa oras na ito.  28 Ama,
          luwalhatiin mo ang iyong pangalan.
             Nang magkagayon, may narinig silang tinig mula sa langit na
          nagsasabi: Niluwalhati ko na ito at muli kong luluwalhatiin.
          29 Ang mga tao ngang nakatayo roon at nakarinig nito ay nagsabing
          kumulog! Ang iba naman ay nagsabing siya ay kinausap ng isang
          anghel.
             30 Tumugon si Jesus at nagsabi: Ang tinig na ito ay hindi
          ipinarinig ng dahil sa akin kundi dahil sa inyo.  31 Ngayon na
          ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang prinsipe ng
          sanlibutang ito ay palalayasin.   32 Ako, kung ako ay maitaas
          na mula sa daigdig ay ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin.
          33 Sinabi ito ni Jesus upang ipakahulugan kung papaano siya
          mamamatay.
             34 Ang mga tao ay tumugon sa kaniya: Narinig namin mula sa
          kautusan na si Kristo ay mananatili magpakailanman. Papaano mo
          nasabi na ang Anak ng Tao ay kinakailangang maitaas?  Sino ba
          itong Anak ng Tao?
             35 Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kanila: Sandaling
          panahon na lamang na makakasama ninyo ang liwanag. Lumakad kayo
          habang may liwanag pa sa inyo at baka abutan pa kayo ng dilim.
          Hindi nalalaman ng lumalakad sa kadiliman kung saan siya
          napupunta.  36 Habang may liwanag pa sa inyo, sumampalataya kayo
          sa liwanag upang kayo ay maging mga tao ng liwanag.  Pagkasabi ni
          Jesus ng mga bagay na ito ay umalis siya at nagtago mula sa
          kanila.

          Nagpatuloy ang mga Judio sa Kanilang Di-pagsampalataya

             37 Bagamat gumawa si Jesus ng maraming tanda sa harapan nila,
          hindi  pa rin sila sumampalataya sa kaniya.  38 Ito ay upang
          matupad ang salita ni propeta Isaias na kaniyang sinabi:
             Panginoon, sino ang naniwala sa aming pangaral. Kanino
          ipinahayag ang   bisig ng Panginoon?
             39 Dahil dito, hindi sila makapaniwala dahil sinabing muli ni
          Isaias:
             40 Binulag niya ang kanilang mga mata at pinatigas
          ang kanilang puso.  Ito ay upang hindi sila makakita sa
          pamamagitan ng kanilang mga mata, ni makaunawa sa pamamagitan ng
          kanilang puso, ni hindi manumbalik. Kung hindi gayon, sila ay
          pagagalingin ko. 41 Ang bagay na ito ay sinabi ni Isaias nang
          makita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon at nagsalita tungkol
          sa kaniya.
             42 Gayunman, marami sa mga mataas na pinuno ang sumampalataya
          kay Jesus. Ngunit dahil sa mga Pariseo, hindi nila siya
          ipinahayag baka sila palayasin sa sinagoga.  43 Higit nilang
          inibig ang papuring mula sa mga tao kaysa ang papuri ng Diyos.
             44 Si Jesus ay sumigaw at nagsabi: Ang sumasampalataya sa akin
          ay hindi sa akin sumasampalataya. Siya ay sumasam-palataya sa
          kaniya na nagsugo sa akin.  45 Ang nakakakita
          sa akin ay nakakakita sa kaniya na nagsugo sa akin.  46 Ako
          ay naparito bilang liwanag sa sanlibutan upang ang lahat ng
          sumasampalataya sa akin ay hindi manatili sa kadiliman.
             47 Kung ang sinuman ay nakikinig ng aking mga salita at hindi
          sumasampalataya, hindi ko siya hinahatulan. Ang dahilan ay hindi
          ako naparito upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ang
          sanlibutan.  48 May isang hahatol sa tumatanggi sa akin at hindi
          tumatanggap ng aking mga salita. Ang salita na aking sinalita ay
          siyang hahatol sa kaniya sa huling araw.  49 Hindi ako
          nagsasalita mula sa sarili ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang
          nag-utos kung ano ang dapat kong sabihin at  bigkasin.  50 Alam
          ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan. Ito nga ang
          sinasabi ko. Kung papaanong sinasabi sa akin ng Ama, sa gayon
          ding paraan nagsasalita ako.

          Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad

          13   Noon ay nalalapit na ang kapistahan ng Paglagpas.
               Alam ni Jesus na ang kaniyang oras ay sumapit na upang siya
          ay lumisan sa sanlibutang ito at pumunta sa Ama. Inibig niya ang
          mga sa kaniya na nasa sanlibutan, inibig niya sila hanggang sa
          wakas.
             2 Ang hapunan ay tapos na. Nailagay na nga ng diyablo sa puso
          ni Judas na ipagkanulo si Jesus. Si Judas ay taga-Keriot na anak
          ni Simon. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga
          bagay sa kaniyang mga kamay. Siya ay galing sa Diyos
          at babalik sa Diyos.  4 Kaya nga siya ay tumindig mula
          sa paghahapunan at itinabi ang kaniyang mga kasuotan. Siya
          ay kumuha ng tuwalya at binigkisan ang kaniyang sarili.
          5 Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana. Sinimulan
          niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad. Pinunasan niya ang
          kanilang mga paa ng tuwalyang nakabigkis sa kaniya.
             6 Lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi ni Pedro sa kaniya:
          Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?
             7 Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya: Ang aking ginagawa
          ay hindi mo nababatid sa ngayon, ngunit mauuna-waan mo rin ito
          pagkatapos.
             8 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Kailanman ay hindi mo huhugasan
          ang aking mga paa. Tinugon siya ni Jesus: Kung hindi kita
          huhugasan, wala kang bahagi sa akin.
             9 Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, hindi lamang ang
          aking mga paa kundi pati ang aking mga kamay at ulo.
             10 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang taong napaliguan na ay ang
          paa na lang ang kailangang hugasan. Siya ay lubos nang malinis.
          Kayo ay malilinis na bagamat hindi lahat.  11 Alam niya kung sino
          ang magkakanulo sa kaniya.  Ito ang dahilan kaya niya sinabing,
          hindi kayong lahat ay malilinis.
             12 Pagkahugas niya ng kanilang mga paa at makapagsuot ng
          kaniyang damit ay muli siyang naupo. Kaya sinabi niya sa kanila:
          Naunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?  13 Tinatawag
          ninyo akong Guro at Panginoon. Tama ang sinasabi ninyo sapagkat
          ako nga.  14 Yamang ako nga na inyong Panginoon at Guro ay
          naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng mga
          paa ng isa't isa.  15 Binigyan ko kayo ng halimbawa na dapat din
          ninyong gawin tulad ng ginawa ko sa inyo.  16 Totoong-totoo ang
          sinasabi ko sa inyo.  Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa
          kaniyang panginoon.  Ang sinugo ay hindi rin higit na dakila
          kaysa nagsugo sa kaniya.  17 Ngayong alam na ninyo ang mga bagay
          na ito ay pinagpala kayo kung gagawin ninyo ang mga ito.

          Ipinagpauna ni Jesus ang Pagkakanulo sa Kaniya

             18 Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang aking
          mga hinirang. Dapat matupad ang kasulatan: Ang kumakain ng
          tinapay na kasama ko ang siyang nagtaas ng kaniyang sakong laban
          sa akin.
             19 Ngayon ay sinasabi ko na sa inyo bago pa ito dumating. Kung
          mangyayari na ito ay maaaring sasampalataya kayo na ako na nga
          iyon.  20 Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, ang tumatanggap sa
          sinumang susuguin ko ay tumatanggap sa akin. Ang tumatanggap sa
          akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.  21 Nang masabi na ito ni
          Jesus ay naligalig siya sa espiritu. Siya ay nagpatotoo at
          nagsabi: Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, na isa sa inyo ay
          magkakanulo sa akin.
             22 Kaya ang mga alagad ay nagtinginan sa isa't isa,
          naguguluhan sila kung sino ang tinutukoy niya.  23 Mayroon ngang
          nakahilig sa piling ni Jesus na isa sa kaniyang mga alagad. Siya
          ang minamahal ni Jesus.  24 Si Simon Pedro nga ay naghudyat sa
          kaniya na tanungin si Jesus kung sino ang kaniyang tinutukoy.
             25 Sa paghilig niya sa dibdib ni Jesus sinabi niya: Panginoon,
          sino siya?
             26 Sumagot si Jesus: Siya ang bibigyan ko ng kapirasong
          tinapay pagkatapos ko itong maisawsaw. Nang maisawsaw na niya ang
          kapirasong tinapay ibinigay niya iyon kay Judas na taga-Keriot na
          anak ni Simon.  27 Pagkatapos ng isang subo ay pumasok kay Judas
          si Satanas. Sinabi nga ni Jesus sa kaniya: Kung ano ang iyong
          gagawin ay gawin mo agad.  28 Walang sinuman sa nakaupong kasalo
          niya ang nakaunawa kung bakit niya iyon sinabi sa kaniya.  29 Si
          Judas ang may hawak ng supot ng salapi. Ito ang dahilan kaya
          inisip ng ilan na sinabi sa kaniya
          ni Jesus na bumili siya ng kakailanganin, o kaya ay may
          ipinabibigay sa kaniya sa mga dukha.  30 Pagkatanggap nga niya ng
          isang subo ay agad siyang umalis. Noon ay gabi na.

          Ipinagpauna ni Jesus ang Pagkaila ni Pedro

             31 Kaya nga nang makaalis na si Judas, sinabi ni Jesus: Ngayon
          ay naluwalhati na ang Anak ng Tao. Ang Diyos ay naluwalhati sa
          kaniya.  32 Kung ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya, siya naman
          ay luluwalhatiin ng Diyos sa kaniyang sarili. Siya ay
          luluwalhatiin kaagad.
             33 Munting mga anak, makakasama ninyo ako nang kaunting
          panahon na lamang. Hahanapin ninyo ako.  Sinabi ko sa mgaJudio:
          Hindi kayo makapupunta sa aking pupuntahan.  Sinasabi ko rin ito
          sa inyo.
             34 Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo, kayo ay mag-
          ibigan sa isa't isa. Kung papaanong inibig ko kayo ay gayon din
          naman kayo mag-ibigan sa isa't isa.  35 Sa pamamagitan nito ay
          malalaman ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad. Ito ay
          kung kayo ay umiibig sa isa't isa.
             36 Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, saan ka
          pupunta?  Sinagot siya ni Jesus: Sa pupuntahan ko ay hindi ka
          makasusunod sa ngayon, susunod ka sa akin pagkatapos.
             37 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, bakit hindi ako
          makasusunod sa iyo sa ngayon? Iaalay ko ang aking buhay alang-
          alang sa iyong kapakanan.
             38 Sinagot siya ni Jesus: Iaalay mo ba ang iyong buhay alang-
          alang sa aking kapakanan? Totoong-totoong sinasabi ko sa iyo,
          hindi titilaok ang tandang hanggang sa ipagkaila mo ako nang
          tatlong ulit.

          14   Huwag mabalisa ang inyong mga puso. Nanampalataya
               kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin.  2 Sa bahay
          ng aking Ama ay maraming tirahan. Kung hindi gayon ay sinabi ko
          sana sa inyo. Ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa
          inyo.  3 Kung ako ay pumaroon at maipaghanda kayo ng isang dako,
          ako ay babalik. Kayo ay aking tatanggapin sa aking sarili upang
          kung saan ako naroon ay dumuon din kayo.  4 Kung saan ako pupunta
          ay alam ninyo. Alam na ninyo ang daan.

          Si Jesus ang Daan Patungo sa Ama

             5 Sinabi sa kaniya ni Tomas: Panginoon, hindi po namin alam
          kung saan kayo pupunta. Paano namin malalaman ang daan?
             6 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ang daan, ang katotohanan at
          ang buhay. Walang sinumang makapupunta sa Ama maliban sa
          pamamagitan ko.  7 Kung ako ay kilala na ninyo, kilala na rin
          ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at
          nakita na ninyo siya.
             8 Sinabi ni Felipe sa kaniya: Panginoon, ipakita mo sa amin
          ang Ama at iyon ay sapat na sa amin.
             9 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Felipe, matagal nang panahon na
          ako ay kasama ninyo at hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa
          akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ipakita mo sa
          amin ang Ama?  10 Sumasampalataya ka na ako ay sumasa Ama at ang
          Ama ay sumasa akin, hindi ba?  Ang mga salitang sinasabi ko sa
          inyo ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili.  Ang Ama na
          nananahan sa akin, siya ang gumagawa ng mga gawain.
          11 Sampalatayanan mo ako na ako ay sumasa Ama at ang Ama ay
          sumasa Akin. Kung hindi, sumampalataya ka sa akin dahil sa mga
          gawa.  12 Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, siya na
          sumasampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga gawang ginagawa ko.
          Higit na dakilang mga gawa kaysa mga ito ang gagawin niya. Siya
          ay gagawa ng mga dakilang bagay sapagkat ako ay pupunta sa Ama.
          13 Anuman ang hihilingin ninyo sa pangalan ko, iyon ay gagawin ko
          upang maluwalhati ang Ama sa pamamagitan ng Anak.  14 Kung
          hihiling kayo ng anumang bagay sa aking pangalan, gagawin ko
          iyon.

          Ipinangako ni Jesus ang Banal na Espiritu

             15 Kung iniibig ninyo ako, tuparin ninyo ang aking mga utos.
          16 Hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang Tagapayo
          upang siya ay manatili sa inyo magpakailanman.  17 Ang Tagapayo
          na ito ay ang Espiritu  ng katotohanan. Hindi siya matanggap ng
          sanlibutan sapagkat hindi siya nito nakikita o nakikilala man.
          Kilala ninyo siya sapagkat siya ay nananahang kasama ninyo at sa
          inyo.  18 Hindi ko kayo iiwanang mga ulila, ako ay babalik.
          19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng
          sanlibutan ngunit nakikita ninyo ako. Dahil ako ay nabubuhay,
          kayo naman ay mabubuhay rin.  20 Sa araw na iyon ay malalaman
          ninyo na ako ay nasa Ama. Kayo naman ay sumasa akin at ako ay
          sumasa inyo.  21 Ang nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad
          ng mga ito ay siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay
          iibigin ng aking Ama. Siya ay iibigin ko at ipahahayag ko sa
          kaniya ang aking sarili.
             22 Sinabi sa kaniya ni Judas na hindi taga-Keriot: Pangi-noon,
          papaanong ipahahayag mo ang iyong sarili sa amin at hindi sa
          sanlibutan?
             23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Kung ang sinuman ay
          umiibig sa akin, tutuparin niya ang aking mga salita. Siya ay
          iibigin ng aking Ama.  Kami ay pupunta sa kaniya at mananahan na
          kasama niya.  24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa
          aking mga salita. Ang salita na inyong naririnig ay hindi sa akin
          kundi sa Ama na nagsugo sa akin.
             25 Ang mga ito ay sinabi ko sa inyo samantalang kasama ninyo
          ako.  26 Ang Tagapayo, ang Banal na Espiritu ang siyang susuguin
          ng Ama sa pangalan ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng
          bagay. Ipapa-alaala niya ang lahat ng mga bagay na sinabi ko sa
          inyo.  27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan
          ay ibinibigay ko sa inyo. Ang ibinibigay ko ay hindi katulad ng
          ibinibigay ng sanlibutan. Huwag mabalisa ang inyong puso, ni
          mangamba.
             28 Narinig ninyo ang sinabi ko sa inyo, ako ay aalis at muling
          magbabalik sa inyo. Kung iniibig ninyo ako ay magagalak kayo sa
          sinabi kong ako ay pupunta sa Ama. Ang aking Ama ay higit na
          dakila kaysa akin.  29 Sinabi ko na ito sa inyo bago pa ito
          mangyari. Ito ay upang kung mangyari na ito, kayo ay
          sumampalataya.  30 Simula ngayon ay hindi na ako magsasalita pa
          ng marami sa inyo. Ang dahilan ay ang prinsipe ng sanlibutang ito
          ay dumarating. Tunay na wala siyang bahagi sa akin.  31 Sinabi ko
          ito sa inyo upang malaman ng sanlibutan
          na iniibig ko ang Ama. Malalaman nila na kung papaano ako
          inutusan ng Ama, ganoon ang ginagawa ko. Tumindig kayo at tayo ay
          aalis na.

          Ang Puno ng Ubas at ang mga Sanga

          15   Ako ang tunay na puno ng ubas. Ang aking Ama ang
               tagapag-alaga.  2 Ang bawat baging na nasa akin na hindi
          namumunga ay inaalis niya. Lahat ng baging na namumunga ay
          nililinis niya upang lalo pang magbunga nang marami. 3 Kayo ay
          malinis na sa pamamagitan ng salita na sinalita ko sa inyo.
          4 Manatili kayo sa akin at ako ay mananatili sa inyo. Ang baging
          ng ubas ay hindi makapamumunga sa kaniyang sarili malibang ito ay
          manatili sa puno ng ubas. Maging kayo man ay hindi makapamumunga
          malibang manatili kayo sa akin.
             5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga baging. Ang nananatili sa
          akin at ako sa kaniya ay magbubunga nang sagana. Kung hiwalay
          kayo sa akin ay wala kayong magagawang anuman.   6 Malibang ang
          sinuman ay manatili sa akin ay itatapon siya tulad ng sanga. Ito
          ay natutuyo. Kanila itong tinitipon at itinatapon sa apoy, at ito
          ay sinusunog.  7 Kung kayo ay mananatili sa akin at ang aking mga
          Salita ay mananatili sa inyo, hilingin ninyo ang anumang inyong
          ibigin. Ito ay mangyayari sa inyo.  8 Sa ganito naluluwalhati ang
          aking Ama na kayo ay magbunga nang sagana at kayo ay magiging mga
          alagad ko.
             9 Kung papaanong inibig ako ng Ama ay gayon ko rin kayo
          inibig. Manatili kayo sa aking pag-ibig.  10 Kung tutuparin ninyo
          ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig. Tulad ko,
          tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at nanatili sa kaniyang pag-
          ibig.  11 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang
          aking kagalakan ay manatili sa inyo. Gayon din naman, ang inyong
          kagalakan ay malubos.  12 Ito ang aking  utos, kayo ay mag-ibigan
          sa isa't isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo. 13 Wala nang hihigit
          pang pag-ibig kaysa rito, na ang isang tao ay mag-alay ng
          kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.  14 Kayo ay aking
          mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang anumang in uutos ko sa inyo.
          15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin sapagkat  hindi alam
          ng alipin ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Sa halip ay tinawag
          ko kayong mga kaibigan. Ito ay dahil ang lahat ng narinig ko sa
          aking Ama ay ipinaaalam ko sa inyo. 16 Hindi ninyo ako hinirang
          ngunit ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo. Ang dahilan
          ay upang kayo ay humayo at mamunga at ang inyong bunga ay
          manatili. Ito ay upang ang anumang inyong hilingin sa aking Ama
          sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito
          ay iniuutos ko sa inyo upang kayo ay mag-ibigan sa isa't isa.

          Kinapopootan ng Sanlibutan ang mga Alagad

             18 Kung ang sanlibutan ay napopoot sa inyo, alam ninyo na ako
          muna ang kinapootan nito bago kayo.  19 Kung kayo ay sa
          sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang sariling kaniya. Ngunit
          dahil hindi kayo sa sanlibutan, hinirang ko kayo mula sa
          sanlibutan. Dahil nga dito kinapopootan kayo ng sanlibutan.
          20 Alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Ang
          alipin ay hindi nakahihigit sa kaniyang panginoon. Kung ako ay
          kanilang inusig, kayo rin naman ay uusigin nila. Kung tinupad
          nila ang aking salita ay tutuparin din naman nila ang sa inyo.
          21 Ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo alang-
          alang sa pangalan ko. Ito ay dahil hindi nila kilala ang nagsugo
          sa akin.  22 Kung hindi ako naparito at nagsalita sa kanila, hindi
          sana sila nagkasala. Ngayon ay wala na silang maidadahilan sa
          kanilang kasalanan.  23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din
          naman sa aking Ama.  24 Kung hindi ko nagawa sa harap nila ang
          mga gawaing hindi nagawa ng sinuman, hindi sana sila nagkasala.
          Ngayon ay kapuwa nila nakita at kinapootan ako at ang akin ding
          Ama.  25 Ito ay upang matupad ang salita na nasusulat sa kanilang
          kautusan: Kinapootan nila ako ng walang dahilan.
             26 Pagdating ng Tagapayo na aking susuguin sa inyo mula sa
          Ama, siya ay magpapatotoo tungkol sa akin. Siya ang Espiritu ng
          katotohanan na magmumula sa Ama.  27 Kayo rin naman ay
          magpapatotoo sapagkat  kayo ay nakasama ko na mula pa sa
          pasimula.

          16   Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang
               hindi kayo matisod. 2 Palalayasin niya kayo sa mga bahay-
          sambahan.  Darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay
          mag-aakalang siya ay naglilingkod sa Diyos.  3 Gagawin nila sa
          inyo ang mga bagay na ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o
          ako.  4 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo. Ito ay upang
          pagdating ng oras, maala-ala ninyo na sinabi ko sa inyo ang mga
          ito.  Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito sa simula
          sapagkat ako ay kasama ninyo.

          Ang Gawain ng Banal na Espiritu

             5 Ngayon ay pupunta ako sa kaniya na nagsugo sa akin. Walang
          sinuman sa inyo ang nagtatanong sa akin, saan ka pupunta?
          6 Dahil sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito, natigib ng lumbay
          ang inyong mga puso.  7 Gayunman, sinasabi ko sa inyo ang
          katotohanan, makabubuti sa inyo na ako ay umalis. Kung hindi ako
          aalis, ang Tagapayo ay hindi darating sa inyo. Kung ako ay aalis,
          susuguin ko siya sa inyo.  8 Pagdating niya ay kaniyang
          susumbatan ang sanlibutan tungkol sa kasalanan, sa katuwiran at
          sa kahatulan.  9 Susumbatan niya sila tungkol sa kasalanan,
          sapagkat hindi sila sumampalataya sa akin.  10 Susumbatan niya
          sila tungkol sa katuwiran sapagkat ako ay pupunta sa aking Ama at
          hindi na ninyo ako makikita.  11 Susumbatan niya sila tungkol sa
          kahatulan sapagkat ang prinsipe ng sanlibutang ito ay nahatulan
          na.
             12 Marami pa akong sasabihing mga bagay sa inyo ngunit hindi
          ninyo ito makakayanan sa ngayon.  13 Pagdating  niya, ng Espiritu
          ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanan.
          Hindi siya magsasalita ng tungkol sa sarili niya. Kung ano ang
          kaniyang maririnig, iyon ang kaniyang sasabihin. Ipahahayag niya
          sa inyo ang mga bagay na darating.  14 Luluwalhatiin niya ako
          sapagkat tatanggapin niya ang sa akin at ipahahayag niya ito sa
          inyo.  15 Ang lahat ng mga bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya
          nga sinabi ko, na tatanggapin niya ang sa akin at ipahahayag niya
          ito sa inyo.
             16 Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita.
          Pagkatapos nang kaunting panahon, makikita  ninyo ako sapagkat
          pupunta ako sa Ama.

          Magiging Kagalakan ang Kalungkutan ng mga Alagad

             17 Ang ilan sa kaniyang mga alagad ay nag-usap-usap.
          Nagtanungan sila: Ano itong sinasabi niya sa atin? Kaunting
          panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita. Pagkatapos nang
          kaunting panahon, makikita ninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama.
          18 Sinabi nga nila: Ano itong sinasabi niyang kaunting panahon na
          lamang? Hindi natin maunawaan ang sinasabi niya.
             19 Alam nga ni Jesus na nais nilang magtanong sa kaniya.
          Sinabi niya sa kanila: Nagtatanong ba kayo sa isa't isa tungkol
          sa sinabi kong kaunting panahon na lamang at hindi ninyo ako
          makikita, pagkatapos ng kaunting  panahon makikita ninyo ako?
          20 Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo na kayo ay tatangis at
          tataghoy ngunit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo ay malulumbay
          ngunit ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.  21 Ang
          babae, kapag nanganganak ay nalulumbay sapagkat ang kaniyang oras
          ay dumating na. Pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya
          naaalaala ang hirap. Ito ay dahil sa katuwaang may isang taong
          isinilang sa sanlibutan.  22 Gayon din naman kayo. Kayo ngayon ay
          nalulumbay, ngunit makikita ko kayong muli at ang inyong puso ay
          magagalak. Walang taong aagaw sa inyong kagalakan mula sa inyo.
          23 Sa araw na iyon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anuman.
          Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, anuman ang inyong hilingin
          sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo.  24 Hanggang
          ngayon ay wala pa kayong hiningi sa pangalan ko. Humingi kayo at
          tatanggapin ninyo upang malubos ang inyong kagalakan.
             25 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo sa pamamagi-tan
          ng mga paghahalintulad. Darating ang oras na hindi na ako
          magsasalita sa inyo sa pamamagitan ng mga paghahalintulad.
          Maliwanag kong ipahahayag sa inyo ang tungkol sa Ama.  26 Sa araw
          na iyon ay hihingi kayo sa pangalan ko. Hindi ko sinasabi sa inyo
          na magsusumamo ako sa Ama para sa inyo.  27 Ang Ama ang siyang
          umiibig sa inyo sapagkat inibig ninyo ako. Sumampalataya rin kayo
          na ako ay nagmula sa Diyos.  28 Ako ay nagmula sa Ama at naparito
          sa sanlibutan. Muli, iiwanan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa
          Ama.
             29 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya, Aba! Ngayon ay
          nagsasalita ka ng maliwanag at hindi sa paghahalintulad.
          30 Ngayon ay natitiyak namin na alam mo ang lahat ng mga bagay.
          Hindi na kailangan na tanungin ka pa ng sinuman. Sa pamamagitan
          nito ay sumasampalataya kaming ikaw ay nagmula sa Diyos.
          31 Sinagot sila ni Jesus: Sumasampalataya na ba kayo ngayon?
          32 Tingnan ninyo, dumarating na ang oras at dumating na ngayon na
          kayo ay makakalat. Kayo ay maghihiwa-hiwalay at iiwanan ninyo
          akong mag-isa. Gayunman, ako ay hindi nag-iisa, sapagkat ang Ama
          ay kasama ko.
             33 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa akin ay
          magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong
          paghihirap.  Lakasan ninyo ang inyong loob, napagta-gumpayan ko
          na ang sanlibutan.

          Nanalangin si Jesus Para sa Sarili Niya

          17   Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito at tumingin
               siya sa langit at nagsabi: Ama, ang oras ay dumating na.
          Luwalhatiin mo ang iyong Anak at nang luwalhatiin ka rin naman ng
          Anak.  2 Binigyan mo siya ng kapamahalaan sa lahat ng tao upang
          siya ay magbigay ng buhay na walang hanggan. Siya ay magbibigay
          ng buhay na walang hanggan sa lahat ng ibinigay mo sa kaniya.
          3 Ito ang buhay na walang hanggan: Ang makilala ka nila, ang
          tanging tunay na Diyos, at si Jesukristo na iyong sinugo.
          4 Niluwalhati kita sa daigdig. Tinapos ko ang gawaing ibinigay mo
          sa akin upang aking gawin.  5 Ngayon,
          Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong sarili ng kaluwalhatiang taglay
          kong kasama ka bago pa likhain ang sanlibutan.

          Dumalangin si Jesus para sa mga Alagad

             6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa
          akin mula sa sanlibutan. Sila ay iyo at ibinigay mo sila sa akin.
          Tinupad nila ang iyong salita.  7 Ngayon ay alam nila na lahat ng
          mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo.  8 Ibinigay  ko
          sa  kanila  ang  mga salitang ibinigay mo sa akin. Tinanggap nila
          ang mga ito. Tiyak ang pagkaalam nila na ako ay nagmula sa iyo.
          Sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.
          9 Ipinapanalangin ko sila. Hindi ko ipinapanalangin ang
          sanlibutan kundi sila na ibinigay mo sa akin sapagkat sila ay
          iyo.  10 Ang lahat ng akin ay iyo at ang mga iyo ay akin. Ako ay
          naluluwalhati sa kanila.  11 Ngayon ay wala na ako sa sanlibutan
          ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Ako ay patungo sa iyo. Banal
          na Ama, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa
          akin. Ingatan mo sila upang sila ay maging isa tulad natin.
          12 Nang ako ay kasama nila sa sanlibutan ay iningatan ko sila sa
          iyong pangalan. Ang mga ibinigay mo sa akin ay iningatan ko.
          Walang sinuman sa kanila ang nawala maliban sa kaniya na
          malilipol upang ang kasulatan ay matupad.
             13 Pupunta ako sa iyo ngayon. Ang mga bagay na ito ay sinasabi
          ko sa sanlibutan upang ang aking kagalakan ay mapuspos sa kanila.
          14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita. Sila ay kinapootan ng
          sanlibutan dahil sila ay hindi taga-sanlibutan, tulad ko rin na
          hindi taga-sanlibutan.  15 Hindi ko idinadalangin na kunin mo
          sila sa sanlibutan kundi ingatan mo sila mula sa kaniya na
          masama.  16 Sila ay hindi taga-sanlibutan tulad ko na hindi taga-
          sanlibutan.  17 Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng iyong
          katotohanan. Ang iyong salita ay katotohanan.  18 Kung papaanong
          sinugo mo ako sa san-libutan, gayon din naman, sinugo ko sila sa
          sanlibutan.  19 Para sa kanilang kapakanan pinababanal ko ang
          aking sarili upang sila ay maging banal din naman sa pamamagitan
          ng katotohanan.

          Si Jesus ay Dumalangin para sa lahat ng Mananampalataya

             20 Hindi lamang sila ang aking mga idinadalangin.
          Idinadalangin ko rin naman ang mga sasampalataya sa akin sa
          pamamagitan ng salita nila.  21 Idinadalangin ko na sila ay
          maging isa, Ama, tulad mo na sumasa akin at ako ay sumasa iyo.
          Idinadalangin ko na silang lahat ay maging isa sa atin, upang ang
          sanlibutan ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.  22 Ang
          kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila
          upang sila ay maging isa tulad natin na isa.  23 Ako ay nasa
          kanila at ikaw ay nasa akin upang sila ay maging ganap na isa at
          upang malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako. Ito rin ay upang
          malaman nila na iniibig mo sila tulad ng pag-ibig mo sa akin.
             24 Ama, nais ko na ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko
          sa kinaroroonan ko. Ito ay upang mamasdan nila ang aking
          kaluwalhatian na iyong ibinigay sa akin dahil iniibig mo na ako
          bago pa itinatag ang sanlibutan.
             25 Amang matuwid, hindi ka nakilala ng sanlibutan. Kilala kita
          at alam ng mga ito na ako ay sinugo mo.  26 Inihayag ko sa kanila
          ang iyong pangalan at ihahayag pa upang ang pag-ibig mo sa akin
          ay mapasa kanila at ako ay suma kanila.

          Dinakip si Jesus

          18   Pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito ay umalis
               siya kasama ang kaniyang mga alagad. Sila ay nagtungo sa
          kabila ng batis Kedron na kung saan may isang halamanan. Siya at
          ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon.
             2 Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang pook na
          iyon. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay madalas na magtipon
          doon.  3 Dumating si Judas. Kasama niya ang pangkat ng mga kawal
          at mga tauhang mula sa mga punong pari at mga Pariseo. Dumating
          sila roon na may dalang mga sulo, mga ilawan at mga sandata.
             4 Si Jesus na nalalaman ang lahat ng mga bagay na magaganap sa
          kaniya ay sumalubong sa kanila. Sinabi niya sa kanila: Sino ang
          hinahanap ninyo?
             5 Sinagot nila siya: Si Jesus na taga-Nazaret. Sinabi ni Jesus
          sa kanila: Ako na iyon. Si Judas na nagkanulo sa kaniya ay
          nakatayo ring kasama nila.  6 Nang sabihin niya sa kanila na, ako
          na iyon, napaurong sila at natumba sa lupa.
             7 Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo?
             Sinabi nila:  Si Jesus na taga-Nazaret.
             8 Sumagot si Jesus: Sinabi ko na sa inyo na ako na iyon. Kung
          ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyong umalis ang mga
          ito.  9 Ito ay upang matupad ang pananalitang kaniyang sinabi: Sa
          mga ibinigay mo sa akin ay hindi ako nawalan isa man.
             10 Si Simon Pedro nga ay may tabak, binunot niya ito. Tinaga
          niya ang alipin ng punong pari at pinutol ang kanang tainga. Ang
          pangalan ng alipin ay Malcu.
             11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro: Isalong mo ang iyong tabak.
          Iinumin ko ang sarong ibinigay sa akin ng Ama, hindi ba?

          Dinala si Jesus kay Anas

             12 Dinakip si Jesus ng pangkat ng mga kawal, ng kapitan at ng
          mga pinuno ng mga Judio. Siya ay ginapos nila.  13 Dinala muna
          nila siya kay Anas. Siya ang biyenang lalaki ni Caifas na
          pangulong pari ng taon ding iyon.  14 Si Caifas ang nagpayo sa
          mga Judio na kapakipakinabang mamatay ang isang tao ng dahil sa
          mga tao.

          Ang Unang Pagkakaila ni Pedro

             15 Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus.
          Ang alagad na iyon ay kilala ng pangulong pari. Siya ay pumasok
          na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pangulong pari.  16 Si Pedro ay
          nakatayo sa labas ng pintuan. Ang alagad na kilala ng pangulong
          pari ay lumabas. Kinausap niya ang babaing nagbabantay sa pintuan
          at pinapasok si Pedro.
             17 Ang dalagang nagbabantay ng pintuan ay nagsabi nga kay
          Pedro: Ikaw ay isa rin sa mga alagad ng taong ito,hindi ba ?
             Sinabi niya:  Hindi.
             18 Ang mga alipin at mga tauhan ay nakatayo roon.
          Sila ay nagpabaga ng uling sapagkat malamig doon at sila ay
          nagpapainit ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay nakatayong kasama
          nila at nagpapainit.

          Tinanong si Jesus ng Pinakapunong Saserdote

             19 Ang pangulong pari ay nagtanong kay Jesus tungkol sa
          kaniyang mga alagad at sa kaniyang turo.
             20 Sinagot siya ni Jesus: Ako ay hayagang nagsalita sa
          sanlibutan.  Ako ay laging nagtuturo sa bahay-sambahan at sa
          templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi sa
          lihim.  21 Bakit ako ang tinatanong mo?  Tanungin mo ang mga
          nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila.  Tingnan mo,
          alam nila ang sinabi ko.
             22 Pagkasabi niya ng mga ito, isa sa mga tauhang nakatayo sa
          tabi ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya: Sinagot mo ng ganyan
          ang pangulong pari?  23 Sinagot siya ni Jesus: Kung ako ay
          nagsalita ng masama, magbigay saksi ka tungkol sa masama. Kung
          mabuti, bakit mo ako sinaktan?  24 Si Jesus ay nakagapos na
          ipinadala ni Anas kay Caifas na pangulong pari.

          Ang Pangalawa at Pangatlong Pagkakaila ni Pedro

             25 Si Simon Pedro ay nakatayo at siya ay nagpapainit. Sinabi
          nga nila sa kaniya: Isa ka rin sa mga alagad niya, hindi ba? Siya
          ay nagkaila at sinabing, hindi.
             26 Ang isa sa mga alipin ng pangulong pari ay kamag-anak ng
          pinutulan ni Pedro ng tainga. Siya ay nagsabi: Hindi ba nakita
          kitang kasama niya sa halamanan?  27 Muling nagkaila si Pedro at
          pagdaka'y tumilaok ang isang tandang.

          Si Jesus sa Harap ni Pilato

             28 Dinala nga nila si Jesus  mula kay Caifas patungo sa
          bulwagang hukuman. Maaga noon. Sila lamang ang hindi pumasok sa
          bulwagang hukuman upang hindi sila madungisan. Hindi sila pumasok
          upang sila ay makakain sa paglagpas.  29 Lumabas nga si Pilato at
          sinabi sa kanila: Anong sakdal ang dala ninyo laban sa taong ito?
             30 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Kung hindi siya isang
          salarin, hindi namin siya isusuko sa iyo.
             31 Sinabi nga ni Pilato sa kanila: Kunin ninyo siya at hatulan
          ninyo siya ayon sa inyong batas.
             Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala kaming karapatang
          pumatay ng  sinumang tao.  32 Ito ay nangyari upang matupad ang
          sinabi ni Jesus.  Ang salita na kaniyang sinabi ay nagpakahulugan
          ng uri ng kamatayan na kaniyang ikamamatay.
             33 Pumasok ngang muli si Pilato sa bulwagang hukuman at
          tinawag si Jesus. Sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ang hari ng mga
          Judio?
             34 Tinugon siya ni Jesus: Ito ba ay sinasabi mo mula sa iyong
          sarili?  O may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?
             35 Tumugon si Pilato: Ako ba ay isang Judio? Isinuko ka sa
          akin ng iyong sariling bansa at ng mga punong pari. Ano ba ang
          nagawa mo?
             36 Sumagot si Jesus: Ang aking kaharian ay hindi sa
          sanlibutang ito.  Kung ang aking kaharian ay sa sanlibutang ito,
          makikipaglaban ang aking mga lingkod. Sila ay makikipaglaban
          upang hindi ako maisuko sa mga Judio. Sa ngayon, ang aking
          kaharian ay hindi mula rito.
             37 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Kung magkagayon, ikaw ba ay
          isang hari?
             Sumagot si Jesus: Ikaw ang nagsabi na ako ay isang hari.
          Magpapatotoo ako sa katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit ako
          ipinanganak at naparito sa sanlibutan. Ang bawat isa na nasa
          katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.
             38 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Ano ang katotohanan? Pagkasabi
          niya nito ay muli siyang nagpunta sa mga Judio na nasa labas.
          Sinabi niya sa kaniya: Wala akong makitang dahilan upang ipapatay
          siya.  39 May isang kaugalian kayo na palayain ko sa inyo ang isa
          sa araw ng Paglagpas. Ibig ba ninyo na palayain ko sa inyo ang
          hari ng mga Judio?
             40 Lahat sila ay muling sumigaw na sinasabi: Hindi ang taong
          ito kundi si Barabas. Si Barabas ay isang magnanakaw.

          Hinatulan si Jesus ng Kamatayan sa Krus

          19   Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at
               kaniyang hinagupit.  2 Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang
          koronang tinik. Inilagay nila ito sa kaniyang ulo at sinuotan
          nila siya ng balabal na kulay ube.  3 Sinabi nila: Mabuhay ang
          hari ng mga Judio at pinagsasampal nila siya.
             4 Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Tingnan
          ninyo, inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na
          wala akong matagpuang anumang maisakdal sa kaniya.  5 Lumabas nga
          si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay ube.
          Sinabi ni Pilato sa kanila:  Tingnan ninyo ang tao.
             6 Nang makita nga siya ng mga punong pari at mga tauhan, sila
          ay sumigaw. Sila ay sumigaw ng: Ipako siya sa krus, ipako siya sa
          krus.
             Sinabi ni Pilato sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa
          krus.  Wala akong matagpuang maisakdal sa kaniya.
             7 Sinagot siya ng mga Judio: Kami ay may kautusan. Ayon sa
          aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang
          kaniyang sarili na anak ng Diyos.
             8 Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang
          natakot.  9 Siya ay muling nagpunta sa bulwagang hukuman at
          sinabi kay Jesus:  Taga-saan ka ba? Hindi siya sinagot ni Jesus.
          10 Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba makikipag-usap sa
          akin?  Hindi mo ba alam na ako ay may kapangyarihang ipapako ka
          sa krus at kapangyarihang palayain ka?
             11 Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang
          kapangyarihan laban sa akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa
          itaas. Ang nagsuko sa akin sa iyo ay higit ang kasalanan.
             12 Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga
          Judio ay sumigaw na sinasabing: Kung palalayain mo ang taong ito,
          hindi ka kaibigan ni Cesar. Kung ginagawang hari ng sinuman ang
          kaniyang sarili siya ay nagsasalita laban kay Cesar.
             13 Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay inakay
          niya si Jesus palabas. Siya ay umupo sa upuan ng paghatol sa
          dakong tinatawag na Pabimento. Sa Hebreo ito ay Gabata.  14 Noon
          ay paghahanda ng Paglagpas, mag-iikaanim  na ang oras.
             Sinabi ni Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari.
             15 Sila ay sumigaw: Alisin siya, Alisin siya! Ipako siya sa
          krus!
             Tanong ni Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong
          hari? Ang mga punong pari ay sumagot: Wala kaming hari maliban
          kay Cesar.
             16 Kaya nga isinuko niya siya sa kanila upang ipako sa krus.

          Ang Pagpako kay Jesus sa Krus

             Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo.  17 Siya ay lumabas
          na pasan ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong tinatawag na
          pook ng bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha.
          18 Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa
          bawat panig at napapagitna si Jesus.
             19 Si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay
          ito sa krus.  Ganito ang nakasulat: Si Jesus na taga-Nazareth,
          Ang Hari ng mga Judio.  20 Ang pamagat na ito ay nabasa ng
          maraming mga Judio. Ito ay dahil ang pook na pinagpakuan kay
          Jesus ay malapit sa lunsod. Ang pamagat ay isinulat sa Hebreo, sa
          Griyego, at sa Latin.  21 Sinabi nga ng mga punong pari ng mga
          Judio kay Pilato: Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio,
          kundi, sinabi niya, Ako ay Hari ng mga Judio.
             22 Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.
             23 Nang maipako na siya sa krus ng mga kawal, kinuha nila ang
          kaniyang mga kasuotan. Hinati nila ito sa apat na bahagi. Isang
          bahagi sa bawat kawal at gayon din ang kaniyang balabal. Ang
          tunika ay walang tahi, hinabing buo mula sa itaas pababa.
             24 Sinabi nga nila sa isa't isa sa kanila: Huwag natin itong
          punitin.  Magpalabunutan tayo kung mapapasa kanino ito.
             Ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan na nagsasabi:
          Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at nagpalabunutan para
          sa aking damit.
             Ginawa nga ng mga kawal ang mga bagay na ito.
             25 Nakatayo sa malapit sa krus ni Jesus ang kaniyang ina.
          Naroon din ang kapatid na babae ng kaniyang ina, si Maria na
          asawa ni Cleofas at si Maria na taga-Magdala.  26 Nakita
          ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang minamahal na
          nakatayo sa malapit. Nang makita niya sila. Sinabi niya
          sa kaniyang ina: Ginang, tingnan mo ang iyong anak.
          27 Pagkatapos noon, sinabi niya sa alagad: Tingnan mo ang iyong
          ina. Mula sa oras na iyon ay dinala siya ng alagad sa kaniyang
          sariling tahanan.

          Ang Kamatayan ni Jesus

             28 Pagkatapos nito, si Jesus na nakaaalam na ang
          lahat ng mga bagay ay naganap na ay nagsabi: Ako ay nauuhaw.
          Sinabi niya ito upang matupad ang kasulatan.  29 Mayroon doong
          nakalagay na isang sisidlang puno ng suka.  Binasa nilang mabuti
          ng suka ang isang espongha. Inilagay nila ito sa isang sanga ng
          hisopo at idiniit sa kaniyang bibig.  30 Nang matanggap na nga ni
          Jesus ang suka, sinabi niya: Naganap na. Itinungo niya ng
          kaniyang ulo at isinuko niya ang kaniyang espiritu.
             31 Noon ay araw ng Paghahanda. Ang mga katawan ay hindi dapat
          manatili sa krus sa araw ng sabat. Ang sabat na iyon ay dakila.
          Ang mga Judio nga ay humiling kay Pilato. Kanilang hiniling na
          mabali ang mga binti ng mga nasa krus upang sila ay maialis.
          32 Dumating nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng una.
          Ganoon din ang ginawa sa isa na kasama niyang ipinako.
          33 Pagpunta nila kay Jesus, nakita nilang siya ay patay na.
          Hindi na nila binali ang kaniyang mga binti.  34 Isa sa mga kawal
          na may sibat ang tumusok sa tagiliran ni Jesus. Ang dugo at tubig
          ay biglang lumabas.  35 Siya na nakakita nito ay nagpatotoo at
          ang kaniyang patotoo ay tunay. Alam niyang nagsasabi siya ng
          katotohanan upang kayo ay sumampalataya.  36 Nangyari ang mga
          bagay na ito upang matupad ang kasulatan: Isa mang buto niya ay
          hindi mababali.  37 Sinasabi sa isa pang kasulatan: Titingnan
          nila siya na kanilang tinusok.

          Ang Paglilibing kay Jesus

             38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay humiling kay
          Pilato na makuha niya ang katawan ni Jesus. Si Jose ay isang
          alagad ni Jesus bagamat palihim lamang dahil sa takot sa mga
          Judio. Pinahintulutan siya ni Pilato, kaya siya ay pumunta roon
          at kinuha ang katawan ni Jesus.  39 Nagpunta rin doon si
          Nicodemo. Siya iyong noong una ay pumunta kay Jesus, nang gabi.
          Siya ay may dalang pinaghalong mira at aloe, na halos isang daang
          libra ang timbang.  40 Kinuha nga nila ang katawan ni Jesus.
          Binalot nila ito ng kayong lino kasama ang mga pabango. Ito ay
          ayon sa kaugalian ng paglilibing ng mga Judio.  41 Sa pook na
          pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan. Sa halamanang iyon
          ay may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan.
          42 Doon nila inilagay si Jesus sapagkat noon ay araw ng
          Paghahanda ng mga Judio at malapit doon ang libingan.

          Ang Libingang Walang Laman

          20   Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa
               libingan si Maria na taga-Magdala. Madilim pa noon. Nakita
          niya na ang bato ay naalis sa libingan.  2 Siya ay tumakbo at
          nagpunta kay Simon Pedro at sa isang alagad na inibig ni Jesus.
          Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang Panginoon mula sa
          libingan. Hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.
             3 Lumabas nga si Pedro at ang isang alagad na iyon at pumunta
          sa libingan.  4 Magkasamang tumakbo ang dalawa. Ang nasabing
          isang alagad ay tumakbo nang mabilis kaysa kay Pedro at naunang
          dumating sa libingan.  5 Nang siya ay yumuko, nakita niya ang mga
          kayong lino na nakalapag.  Magkagayon man ay hindi siya pumasok
          sa loob.  6 Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at ito ay
          pumasok sa loob ng libingan. Nakita niyang nakalapag ang mga
          kayong lino.  7 Nakita rin niya ang panyong inilagay sa ulo ni
          Jesus na hindi kasamang nakalapag ng kayong lino. Ito ay hiwalay
          na nakatiklop sa isang dako.  8 Pumasok din naman ang isang
          alagad na iyon na naunang dumating sa libingan. Nakita niya at
          siya ay sumampalataya.  9 Noon ay hindi pa nila alam ang
          kasulatan, na siya ay dapat bumangon mula sa mga patay.

          Nagpakita si Jesus kay Maria na taga-Magdala

             10 Ang mga alagad nga ay muling umalis pauwi sa kani-kanilang
          tahanan. 11 Gayunman, si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan
          na tumatangis. Sa kaniyang pagtangis, siya ay yumuko at tumingin
          sa loob ng libingan. 12 Nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel
          na nakaputi. Ang isa ay nasa ulunan at ang isa ay nasa paanan ng
          pinaglagyan ng bangkay ni Jesus.
             13 Sinabi nila sa kaniya:  Babae, bakit ka tumatangis?
             Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang aking Panginoon at
          hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.  14 Pagkasabi niya ng
          mga ito, siya ay tumalikod at nakita niya si Jesus na nakatayo.
          Hindi niya alam na iyon ay si Jesus.
             15 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sino
          ang hinahanap mo?
             Inakala niyang siya ang tagapag-alaga ng halamanan. Sinabi
          niya sa kaniya: Ginoo, kung kinuha mo siya rito, sabihin mo sa
          akin kung saan mo siya inilagay. Kukunin ko siya.
             16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Maria.
             Humarap siya at sinabi sa kaniya: Raboni, na ang ibig sabihin
          ay guro.
             17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag mo akong hawakan sapagkat
          hindi pa ako nakapaitaas sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid
          ko. Sabihin mo sa kanila na ako ay papaitaas sa aking Ama at
          inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.
             18 Si Maria na taga-Magdala ay nagpunta sa mga alagad. Sinabi
          niya sa kanila na nakita niya ang Panginoon. Sinabi rin niya na
          ang mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa kaniya.

          Nagpakita si Jesus sa mga Alagad

             19 Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo,
          nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa
          takot sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna at
          sinabi sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo.  20 Pagkasabi niya
          nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang
          tagiliran. Nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.
             21 Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang
          sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, ganoon ko rin kayo
          isinusugo.  22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at
          sinabi sa kanila: Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu.  23 Ang
          kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad
          iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo
          pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.

          Si Jesus ay Nagpakita kay Tomas

             24 Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na
          Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus.  25 Sinabi
          nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon.
          Sinabi niya sa kanila: Hindi ako maniniwala, malibang makita ko
          ang pinagpakuan sa kaniyang mga kamay.  Malibang mailagay ko ang
          aking mga daliri roon, hindi ako maniniwala. Hindi ako maniniwala
          malibang maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran.
             26 Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli
          ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga
          pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya:
          Kapayapaan ang sumainyo.  27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay
          Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking
          mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking
          tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.
             28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at
          aking Diyos.
             29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil
          nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit
          sumampalataya.
             30 Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan
          ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat
          na ito.  31 Ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na
          si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos.  At ang mga ito ay
          sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo
          ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

          Si Jesus at ang Mahimalang Huli ng Isda

          22   Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakitang muli
               si Jesus sa kaniyang mga alagad sa lawa ng Tiberias. Ganito
          siya nagpakita:  2 Magkakasama sina Simon Pedro at Tomas na
          tinatawag na Kambal at si Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang
          mga anak ni Zebedeo at dalawa pang mga alagad.  3 Sinabi ni Simon
          Pedro sa kanila:  Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya: Sasama
          rin kami sa iyo. Lumabas sila mula roon at agad-agad na sumakay
          sa bangka. Wala silang nahuli nang gabing iyon.
             4 Nang magbubukang-liwayway na, si Jesus ay tumayo sa tabing-
          dagat.  Gayunman, hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si
          Jesus.
             5 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Munting mga anak, may
          makakain ba kayo? Sinagot nila siya: Wala.
             6 Sinabi niya sa kanila: Ihagis ninyo ang lambat sa dakong
          kanan ng bangka at makasusumpong kayo. Inihagis nga nila at hindi
          na nila kayang hilahin ang lambat dahil sa rami ng isda.
             7 Kaya ang alagad na iyon na inibig ni Jesus ay nagsabi kay
          Pedro: Ang Panginoon iyon. Nang marinig ni Simon Pedro na ang
          Panginoon iyon, isinuot niya ang kaniyang pang-itaas na damit.
          Isinuot niya ito dahil siya ay nakahubad at tumalon siya sa lawa.
          8 Ang ibang mga alagad ay dumating na sakay ng maliit na bangka.
          Hinihila nila ang lambat na may mga isda.  Hindi sila gaanong
          malayo sa pampang kundi may isang daang yarda lamang ang layo.
          9 Pagkalunsad nila sa lupa, nakakita sila ng mga nagbabagang
          uling.  May mga isdang nakapatong doon. May mga tinapay rin.
             10 Sinabi ni Jesus sa kanila: Dalhin ninyo rito ang mga nahuli
          ninyong isda ngayon.
             11 Umahon si Simon Pedro.  Hinila niya ang lambat sa aplaya.
          Ang lambat ay puno ng mga malalaking isda, may isandaan at
          limampu't tatlo ang kanilang bilang. Kahit na ganoon karami ang
          isda ay hindi napunit ang lambat.
             12 Sinabi ni Jesus sa kanila: Halikayo at mag-agahan. Walang
          sinuman sa mga alagad ang nangahas na magtanong kung sino siya.
          Hindi sila nangahas na magtanong dahil alam nila na siya ang
          Panginoon.
             13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila.
          Ganoon din ang ginawa niya sa isda.  14 Ito na ang ikatlong ulit
          na ipinakita si Jesus sa kaniyang mga alagad mula nang siya ay
          ibinangon mula sa mga patay.

          Muling Pinatatag ni Jesus si Pedro

             15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon
          Pedro: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako nang higit sa mga
          ito?
             Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw
          ako sa iyo.
             Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakainin mo ang aking mga batang
          tupa.
             16 Sinabi niyang muli sa kaniya sa ikalawang pagkakataon:
          Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako?
             Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw
          ako sa iyo.
             Sinabi ni Jesus sa kaniya: Alagaan mo ang aking mga tupa.
             17 Sinabi niya sa kaniya sa ikatlong pagkakataon: Simon, anak
          ni Jonas, may paggiliw ka ba sa akin?
             Nasaktan si Pedro sapagkat sinabi sa kaniya sa ikatlong
          pagkakataon, may paggiliw ka ba sa akin? Sinabi niya sa kaniya:
          Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay. Alam mo na may
          paggiliw ako sa iyo.
             Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakanin mo ang aking mga tupa.
          18 Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, noong ikaw ay bata pa,
          ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili. Lumalakad ka kung saan mo
          ibig. Gayunman, pagtanda mo ay iuunat mo ang iyong mga kamay. Iba
          ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa hindi mo ibig.  19 Sinabi
          niya ito upang ipakahulugan kung sa anong kamatayan dapat niyang
          luwalhatiin ang Diyos. Pagkasabi niya nito,  sinabi niya sa
          kaniya: Sumunod ka sa akin.
             20 Paglingon ni Pedro, nakita niya na sumusunod ang alagad na
          inibig ni Jesus.  Siya rin ang nakahilig sa dibdib ni Jesus nang
          sila ay naghapunan.  Siya ang nagsabi, Panginoon, sino siya na
          magkakanulo sa iyo?  21 Nang makita siya ni Pedro ay sinabi kay
          Jesus:  Panginoon, ano naman ang gagawin ng taong ito?
             22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung iibigin kong manatili siya
          hanggang sa pagbalik ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin.
          23 Ang pananalitang ito ay kumalat sa mga kapatiran, na ang
          alagad na ito ay hindi mamamatay. Gayunman, hindi sinabi ni Jesus
          sa kaniya na hindi siya mamamatay. Ang sinabi niya, kung iibigin
          ko na siya ay manatili hanggang sa aking pagbabalik, ano ito sa
          iyo?
             24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at
          sumulat sa mga bagay na ito. Alam namin na ang kaniyang patotoo
          ay tunay.
             25 Marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus. Kung
          isusulat ng isa-isa ang mga ito, inaakala kong maging ang
          sanlibutan nga ay hindi makakakaya ng mga aklat na masusulat.
          Siyang mangyari!